Ligtas na nakauwi ang 38 tripulanteng Pinoy ng MV Hondius noong gabi ng Biyernes, Hunyo 19, matapos nilang makumpleto ang 42 araw na quarantine sa The Netherlands.
Ayon sa pahayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado, Hunyo 20, ang crew members ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at mainit na sinalubong ni DMW Sec. Hans Leo J. Cacdac kasama ang ilang kinatawan ng Department of Health (DOH), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Bureau of Quarantine (BI), Manila International Airport Authority (MIAA) medical team, at ang licensed recruitment agency nila.
Sa paglapag din, agad na sumailalim ang crew sa secondary medical screening ng Bureau of Quarantine (BOQ) at agad pa silang nakatanggap ng airport assistance at tulong pinansyal mula sa DMW at OWWA.
Nakatakda pang matanggap ng mga ito ang natitira nilang sahod at travel allowance mula sa may-ari ng MV Hondius sa pamamagitan ng kanilang agency, kasama ang libreng transportation at accomodation sa pagbabalik nila sa kanilang mga probinsya.
Tiniyak naman ng DOH na makakatanggap ng libreng medical consultations at zero-balance billing ang mga tripulante sa mga ospital na pagmamay-ari ng pamahalaan.
Habang ang DMW naman ay nag-offer ng reintegration support sa pamamagitan ng National Reintegration Network, para sa mga tripulanteng nais manatili na sa Pilipinas at magtayo ng kanilang sariling negosyo o pangkabuhayan.
"We wanted you to reunite with your families, masayang-masaya kaming nakarating kayo. If ever you need support, just reach out to us,” ani DMW Sec. Cacdac.
Dito ay pinasalamatan din ng kalihim ang may-ari ng MV Hondius at agency ng mga tripulante sa kanilang pag-aalaga sa mga ito sa kasagsagan ng kanilang quarantine period.
Matatandaang sumailalim sa 42 araw na quarantine ang mga Pinoy crew ng MV Hondius matapos maiulat na pumanaw ang tatlo sa mga pasahero ng cruiseship dahil sa pinaghihinalaang Hantavirus outbreak dito noong Mayo.
MAKI-BALITA: ALAMIN: ‘Hantavirus’ infection na hinihinalang kumitil sa tatlong cruise ship passengers
KAUGNAY NA BALITA: 38 tripulanteng Pinoy ng MV Hondius, negatibo sa Hantavirus