Dalawa sa apat na holdaper ang naaresto nang makatawag pansin sa mga awtoridad ang paghingi ng tulong ng isang matandang lalaki na hinoldap ng mga suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Senior Inspector Delta Navarra, head ng Anti-Illegal Drug-Special Operation Task Group (AID-SOTG), robbery hold-up ang isinampang kaso laban sa mga suspek na sina Felix Chua, 30 ng No. 308 N. Zamora Street, Tondo Maynila at Mario Perez, 40 ng No. 301 Building Kagitingan St., Tondo Maynila.

Nakatakas naman ang kanilang mga kasamahan na sina Manny Danao at isang alyas “Aldo”.

Ayon sa biktimang si Virgilio Bartolome, 61, ng No. 197 Gulayan, Barangay Catmon, Malabon City, naglalakad siya sa kahabaan ng Gov. Pascual ng nasabing lungsod, dakong 10:30 ng gabi.

'Expected po 'yan!' Malacañang, nag-react sa paglagpak ng Pinas sa Corruption Perceptions Index 2025

Pagsapit umano niya sa Sanciangco Road, sinalubong siya ng apat na suspek at tinutukan ng baril nina Chua at Perez at nagdeklara ng hold-up.

“Kinuha nung dalawa pang lalaki ‘yung aking cell phone at P6,000 cash tapos sinabihan nila ako na huwag mag-iingay kung ayaw ko raw mamatay,” ani Bartolome.

Ilang hakbang pa lang ang layo ng mga suspek at sa halip na matakot ang biktima, nagsisigaw ito at humingi ng tulong na narinig nina PO3 Rommel Abarro at PO3 Michael Angelo Solomon ng AID-SOTG na sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng drug operation sa lugar.

Narekober sa mga naarestong suspek ang dalawang cal. 38 revolver at anim na plastic sachet ng pinaghihinalaang shabu.

(Orly L. Barcala)