GAGAWA raw ng panel ang Ombudsman na mag-iimbestiga kay PNP Chief Ronald Dela Rosa. Nauna rito, inihayag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na paiimbestigahan niya ang hepe sa posible umanong paglabag nito sa Presidential Decree 46 na nagbabawal at nagpaparusa sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na tumanggap ng regalo sa anumang okasyon.
Aalamin kung walang ginastos si Dela Rosa sa pagsama niya at ng kanyang pamilya kay Sen. Manny Pacquiao para panoorin ang laban nito kay Jessie Vargas sa Las Vegas.
Matatandaang inamin ni Dela Rosa na inimbitahan siya ni Pacquiao, kasama ang kanyang pamilya, na manood ng laban nito kay Vargas.
Binayaran daw ng senador ang lahat ng gastos at iginiit niya na walang masama dahil wala namang nagamit na pondo ng bayan. Idinepensa naman siya ng senador. Hindi raw siya ang dapat imbestigahan kundi iyong mga tiwali sa gobyerno.
Likas sa ating mga Pinoy ang tumanaw ng utang na loob. Kaya may mga batas tulad ng PD 46 upang maiwasang magamit ng sinuman ang posisyon o kapangyarihan sa gobyerno para sa interes ng iilan.
Ang gobyerno ay instrumento ng taumbayan para itaguyod ang ikabubuti ng higit na nakararami. Sa ginawa ni Sen. Pacquiao kay Gen. Dela Rosa, sa akala ba ninyo matatanggihan nito ang pabor na hihingiin sa kanya ng senador?
Kahit hindi na lumapit at makiusap ang senador sa kanya, malaman lang niya na may interes ito o kahit kamag-anak nito, sa bagay na pwede niya itong matulungan dahil sa kanyang posisyon o kapangyarihan, sa palagay kaya ninyo ay hindi niya ito gagawin?
Kung ordinaryong kawani lang ng gobyerno si PNP Chief Dela Rosa, baka hindi na pinansin itong namagitan sa kanila ng senador.
Ang malaking problema, eh kasama siya ni Pangulong Digong na nasa sentro ng digmaan laban sa krimen at ilegal na droga. Ang gobyerno, sa kanilang pamumuno, ay puspusan ang paglaban sa mga sangkot dito.
Marami na silang napatay dahil sabi nga nila sila ay lumaban. Masama... sa panlasa ang taong tulad ni hepe na nangangampanyang linisin ang lipunan ay gastusan ng iba ang kanyang luho. Sinasabi niyang mahirap siya bakit hindi niya sasamantalahin ang biyaya gayong ito ay buhat naman sa matagal na niyang kaibigan.
Eh, karamihan sa mga napatay na at pinapatay pa sa kampanya laban sa dorga ay mga mahirap din, kaya lang nga sa iba nila natagpuan ang biyaya. (Ric Valmonte)