SA biglang tingin, ang panawagan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa muling pagpapaigting ng anti-begging campaign ay may mainam na ibubunga. Isipin na ang naglipanang kabataan o street children na halos maghapong namamalimos sa mga lansangan sa Metro Manila ay mailalayo sa panganib. Sino ang magkikibit-balikat sa gayong panawagan?

Subalit taliwas ang aking pananaw sa gayong adhikain ng DSWD, iyon ay isa lamang pantapal na lunas o band-aid remedy upang maikubli ang mukha ng karalitaan na naging bahagi rin ng mga estratehiya ng mga nakalipas na administrasyon.

Mistulang pinagbabawalan ng DSWD na maglimos sa mga street children nang ipahiwatig nito na sa halip na magbigay ng pera ay mag-abot na lamang ng pagkain. Matigas na lamang ang puso ng sinumang hindi maglilimos, lalo na sa mga bata na kalung-kalong ng kanilang mga ina. Iisa ang maliwanag na dahilan ng kanilang pamamalimos at paninirahan sa mga lansangan: Kahirapan ng buhay na hanggang ngayon ay hindi pa ganap na malulunasan.

Totoong malaki ang peligro na sinusuong ng mga kabataang namamalimos; halos makipaghabulan sila sa mga sasakyan sa pag-asang makahihingi ng limos. Karamihan sa street children ay napilitang huminto sa pag-aaral upang makapagpalimos at makatulong sa kanilang mga magulang na wala ring hanap-buhay. Walang paraan upang matugunan ang pangangailangang pang-edukasyon at mabuting kapaligiran hindi lamang ng mga kabataan kundi maging ng kanilang pamilya.

Hindi sapat na magdaos na lamang ng mga pagtitipon, lalo na ng mga Christmas party para sa street children. Kabilang na rito ang iba pang indigenous people na tulad ng mga badjao, aeta, igorot at iba pa na laging dumadagsa sa Metro Manila ngayong Xmas season. Ngunit ang lahat ng ito ay pansamantalang remedyo lamang sa pangangailangan ng mga namamalimos na kabataan at katandaan.

Tulad ng lagi nating binibigyang-tinig, higit na kailangan ang pagbubunsod ng livelihood projects para sa ating mga pamilyang... maralita.

Lagi nating hinihiniling sa mga pangasiwaan na magtatag ng mga job-generating program upang mabigyan ng trabaho ang mga magulang ng street children. Magagamit dito ang bilyun-bilyong pisong pondo ng conditional cash transfer (CCT) na talaga namang nakaukol sa paglutas ng problema sa pagdarahop.

Ito ang magpapaaliwalas sa mukha ng karukhaan. (Celo Lagmay)