angelica-john-at-pokwang-copy

WALA sa 8th anniversary presscon ng Banana Sundae si Angelica Panganiban dahil may sakit. Pero siya tuloy ang isa sa mga pinag-usapan dahil tinanong ang ibang cast kung ano ang masasabi nila tungkol sa aktres na laging naba-bash at kung ano ang magandang ugali nito.

Nakikita kasi ng publiko na mataray at palaban si Angelica kaya laging may kaaway.

“Unang-unang gusto ko sa ugali ni Angelica ay ang pagiging prangka,” mabilis na sagot ni Pokwang. “Rekta kasi ‘yung batang ‘yun, eh. ‘Pag nasaktan ka, problema mo na ‘yun. At saka hindi ka niya titigilan hangga’t hindi mo ino-open sa kanya ang nararamdaman mo, very concerned siya sa bawat feelings ng bawat isa sa amin. Maalaga siya, sobra.

Human-Interest

KILALANIN: Mga alkalde ng Metro Manila na nasa huling termino na

“’Tapos kung sino ‘yung wala pa sa amin (sa taping), nag-aalala ‘yun bakit wala pa, ganu’n si Angelica. Kaya kapag minahal mo siya bilang kaibigan, mas susuklian niya iyon ng mas higit pa, iba ‘yung Angelica, ang sarap katrabaho, sobra.”

“At saka si Angelica,” dugtong naman ni John Prats, “kung sino ang bagong pasok sa Banana Sundae, niyayakap niya, ganu’n din naman sina JC (de Vera), niyakap niya, hindi ‘yung ipaparamdam niya na ‘matagal na ako rito, diyan ka lang.’

“Gusto ka, kasama niya, at saka generous siya sa lahat, hindi lang sa amin (cast). Like ‘pag may birthday na staff, may gift ‘yan na personalized pillow or blanket. Lahat ‘yun nakalista, mga small things na lahat ‘yun mamahalin mo sa kanya.”

“Si Bakla (tawag kay Angelica),” sabi naman ni Pooh, “what you see is what you get. Mamahalin mo siya kung sino siya at mamahalin ka rin niya kung ano ka magtrato sa kanya. Ganu’n si Bakla.”

Pagkatapos ng Q and A ng Banana Sundae tinanong si Pokwang kung bakit tila mailap ang pag-ibig kay Angelica – na nakailang relasyon nang hindi nagtatagumpay.

“Kasi siyempre, siguro ang lalaki nilang artista, tutok sila lagi sa trabaho nila o kaya dahil sa mga intriga. Well, nakikita ko si Angelica paano magmahal, baliw ‘yun, eh, lahat todo. Buhos talaga siya. Kaibigan nga lang kung magmahal sobra na.

“Siguro may mga pagkakataong hindi ma-handle ng maayos kasi pagod sa trabaho, mga ganu’n. Nakita ko naman si Angelica na masarap mahalin at hindi mahirap mahalin,” pagtatanggol ni Pokwang.

Sa madaling sabi, hindi kay Angelica ang problema pagdating sa pag-ibig?

“Hindi ko masasagot ‘yan kasi wala naman ako ‘pag silang dalawa na lang,” katwiran ng komedyana.

Clingy ba si Angelica sa karelasyon?

“Hindi naman siya clingy, alam ko, caring siya, maalaga talaga siya,” pagtatanggol pa ni Mamang Pokwang.

Samantala, nabanggit ni Pokwang na happy siya sa lovelife niya ngayon sa piling ni Lee O’Brien at magdadalawang taon na sila sa Pebrero. Nagkakilala sila sa pelikulang Edsa Woolworth na ipinalabas sa Pilipinas noong 2014.

“Masaya kami. Enjoy-enjoy lang kami ngayon kung ano ‘yung meron kami ngayon. Sobrang masaya lang. ‘Yun ang importante, walang stress. Nakakadagdag siya sa akin ng inspirasyon, alam mo ‘yon? Dati, ang sungit-sungit ko sa trabaho, pero ngayon siyempre may ganern (love life). Ganu’n lang,” masayang kuwento ni Pokwang tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.

Ang inaalala ngayon ng komedyana ay ang pagdating sa Pilipinas sa Enero ang magulang ni Lee dahil hindi niya alam kung ano ang mangyayari.

Mamamanhikan na ba sa kanya ang pamilya ang ni Lee?

“Mamanhikan, di ba? Pero huwag mag-assume. Masama ‘yon,” natawang sagot ni Pokie. “Kung pamamanhikan, eh, di ang sarap, di ba?”

Masaya ang anak ni Pokwang dahil masaya rin daw ang mama nito. (REGGEE BONOAN)