NAMUMROBLEMA na si Pangulong Digong sa pakikidigma niya laban sa ilegal na droga. Hindi na raw niya kayang mag-isa ang paglipol dito. Kaya, tahasan niyang hiningi ang tulong ng mga mambabatas para sa layuning ito.
Anong klaseng tulong naman ang nais ng Pangulo sa mga mambabatas? Ang alam ko lang na kayang itulong ng mga ito sa Pangulo ay mabilis nilang ipasa ang batas na nagpapataw ng parusang kamatayan, gaya ng isinusulong ni Sen. Pacquiao.
Pero, ang ituro ang mga laboratoryo ng shabu at ang mga nagpapatakbo nito ay mahirap siguro nilang gawin. Baka masama pa sila sa listahan ng mga narco-politician.
Noong binabatikos ang Pangulo dahil ang mga napapatay lang ay iyong mga gumagamit at tulak na droga na karamihan ay mga dukha, sinabi niya na nasa labas ng bansa ang nagpapasok dito ng mga droga. Ibabagsak lang daw ang mga ito sa laot at dito kukunin ng kanilang mga kasabwat. May gadget daw silang ginagamit para malaman kung saan naroroon ang ibinagsak na droga.
Pero, nasa loob pala ng bansa ang gumagawa ng shabu. Marami nang napapatay ang mga pulis. May mga nakamaskara o nakatakip ang mga mukha na nagsasagawa ng extrajudicial killing. Nanakot na nga si Pangulong Duterte na papatayin niya ang mga sangkot sa droga at hindi siya titigil hanggang may isa pang buhay sa mga ito.
Ang problema, sa kabila ng lahat ng mga ito, mayroong mga hindi natatakot. Kamakailan, isang laboratoryo ang nadiskubre sa Cauayan City, Isabela. Kung bakit nito lang huli nakita ito gayong malapit pala ito sa airport at nasa gilid ng highway na daanan ng mga tao at sasakyan. Nauna rito, isang higanteng laboratoryong ikinubli bilang isang piggery sa isang barangay sa Arayat, Pampanga rin ang nabisto.
Mahihirapang itigil ng Pangulo ang pakikipagdigma niya laban sa droga lalo na kung tatapusin niya ito hanggang may isa pang nabubuhay na gumagamit o tulak ng droga. Wala kasi rito ang problema kung hindi sa mga taong napakalakas ng loob at hindi natatakot na mag-operate ng shabu laboratory. Bakit nga ba hindi nila susuungin ang panganib kahit sukat ikamatay nila, eh, dahil sa mga... pagpatay, tumaas ang presyo ng shabu?
Hanggang patuloy ang operasyon ng mga shabu lab, hindi mauubos ang gumagamit at tulak ng droga. Kaya marahil humihingi na ng tulong ang Pangulo sa Kongreso dahil alam niyang masisira siya sa kanyang pangako na wawakasan niya ang krimen at ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. (Ric Valmonte)