KUNG inaakala ninyo na pawang tungkol lang sa mga kaluluwa, multo, at iba pang kababalaghan ang Todos los Santos at Araw ng Kaluluwa, nagkakamali kayo. Dahil ang mga matagal nang residente sa Malabon City ay kumakain ng “sapin-sapin” sa pagbisita nila sa kanilang mga yumaong kapamilya sa mga sementeryo sa Undas.

Ang kakaning sapin-sapin ay may iba-ibang kulay ang bawat layer, at kilala sa taglay nitong linamnam.

Depende sa estado ng pamilya at kakayahang gumawa ng sariling bersiyon nito, mayroong mga patok na mabibilhan ng sapin-sapin at iba pang masasarap na kakanin na masarap na pagsaluhan sa muling pagsasama-sama ng pamilya.

Bumibili ng sapin-sapin ang mga pamilya sa Malabon, partikular para sa mga may kamag-anak na galing sa ibang bansa.

Naniniwala ang mga balikbayan na ang tamis at linamnam ng sapin-sapin ay nakatutulong upang maalis ang kanilang jetlag—at mapawi na rin ang pagkasabik sa mga pagkain at tradisyong Pilipino.

Kilala rin ang jetlag bilang desynchronosis, isang kondisyong physiological na resulta ng pagkakaiba ng circadian rhythms ng katawan dahil sa mahabang paglalakbay sa magkabilang panig ng mundo, sakay ng eroplano.

Ito rin ay itinuturing na isa sa circadian rhythm sleep disorders.

Bitbit ang sapin-sapin sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay, pagsasaluhan ito, kasama ng iba pang pagkain, kapiling ang iba pang mga kamag-anak na bumisita rin sa puntod.

Karaniwan nang nagiging taunang pagsasama-sama ng mga miyembro ng pamilya ang Undas, dahil muling nagkikita-kita ang mga magkakaanak sa mga puntod ng mga mahal nila sa buhay; nagkukumustahan habang nagsasalu-salo sa anumang nakayanan.

Sa tradisyon sa Malabon, karaniwan nang kinakain ang sapin-sapin kasama ng pansit palabok, canton o kahit mainit na kape. (PNA)