BUMULUSOK ng halos 60 porsiyento ang pandaigdigang populasyon ng mga mammal, ibon, isda, amphibian at reptile simula noong 1970 habang lumalala at mas nagiging kumplikado ang aktibidad ng sangkatauhan na labis na nakaaapekto sa kalikasan.

Ito ang ibinunyag kahapon ng grupong nangangalaga sa kalikasan, ang World Wildlife Fund o WWF.

Sa index na kinalap mula sa mga datos na nanggaling sa Zoological Society of London (ZSL) upang tukuyin ang kasaganahan ng biodiversity, bumaba ng 58 porsiyento ang populasyon ng wildlife animals sa pagitan ng 1970 at 2012 at inaasahang mababawasan pa sa 67 porsiyento pagsapit ng 2020 kung pagbabatayan ang kasalukuyang taya sa mabilis na pagkaunti ng mga ito, nakasaad sa report ng World Wildlife Fund.

Ang pagkaunting ito ay isa pang senyales na ang sangkatauhan ang pangunahing puwersa na naghuhubog ng mga pagbabago sa ating planeta, ang nagbigay-daan sa panahon ng Anthropocene, isang terminong nagmula sa “anthropos”, ang salitang Griyego para sa “human” at “-cene” na tumutukoy sa isang panahong geological.

Malinaw na kakaunti lamang ang naging epekto ng mga pagsisikap para pangalagaan ang kalikasan, dahil natukoy sa index ang mabilis na pagkaunti ng populasyon ng wildlife animals kumpara sa datos sa nakalipas na dalawang taon, nang tinaya ng World Wildlife Fund ang 52 porsiyentong pagkabawas sa populasyon hanggang 2010.

“Wildlife is disappearing within our lifetimes at an unprecedented rate,” sinabi ni Marco Lambertini, director general ng World Wildlife Fund International, sa pahayag tungkol sa Living Planet Report ng grupo na inilalathala kada dalawang taon.

“Biodiversity forms the foundation of healthy forests, rivers and oceans,” sianbi ni Lambertini sa isang pahayag. “We are entering a new era in Earth’s history: the Anthropocene,” aniya. Kilala rin ang WWF bilang World Wide Fund for Nature.

Sinubaybayan ng index ang nasa 14,200 populasyon ng 3,700 species ng mga vertebrate—mga hayop na mula sa mga palakang kasing liit ng monggo hanggang sa 30-metro ang habang balyena.

Ang patuloy na dumadaming populasyon ng tao ay nagsisilbing banta rin sa wildlife sa pamamagitan ng pagpapatag sa maraming lupain para gawing bukid o siyudad, nakasaad pa sa report ng World Wildlife Fund. Nakaaapekto rin ang polusyon, mga uri ng hayop na lumilipat sa bagong lugar at pumapatay sa mga dinatnang hayop, pangangaso at climate change.

Ngunit may pag-asa pang mapigilan ang tuluyang pagkaunti ng populasyon ng wildlife animals, ayon sa WWF report.

“Importantly ... these are declines, they are not yet extinctions,” sabi ni Professor Ken Norris, Director of Science sa ZSL.

Iginiit ni Deon Nel, global conservation director ng WWF, sa Reuters na hindi naman tunay na masama ang balita. “I don’t speak at all about doom and gloom—we do see a lot of positive signs,” ani Nel.

Ang isang nakikitang pag-asa ay ang pandaigdigang kasunduan noong nakaraang taon ng nasa 200 bansa upang pigilan o maibsan ang epekto ng climate change upang maprotektahan ang mga kagubatan, mapigilan ang paglawak ng mga disyerto at mabawasan ang pagiging acidic ng karagatan dahil sa pagdami ng carbon dioxide.

At ang plano ng United Nations noong 2015 para sa isang tuluy-tuloy na pag-unlad pagsapit ng 2030, na layuning tuldukan na ang kahirapan sa pamamagitan ng mga polisiyang nagbibigay-proteksiyon sa kalikasan.

Bukod dito, epektibo rin ang pagpaparami sa ilang hayop. Noong nakaraang buwan, inalis na ang higanteng panda sa listahan ng endangered species makaraang makabawi na ang populasyon nito sa China. (Reuters)