Binigo ng De La Salle University ang hangad na 3- peat ng University of Santo Tomas nang agawin nito ang titulo sa poomsae ng UAAP Season 79 taekwondo tournament Biyernes ng hapon sa Ateneo Blue Eagle Gym.

Nagwagi ng tig-dalawang ginto at pilak dagdag na isang tansong medalya ang Green Archers upang makamit ang una nitong titulo sa apat na taong event.

“Well, in the very beginning, we always have the problem with the number of players. We are fortunate that this season, we are able to get quality players,” sabi ni De La Salle coach JP Sabido.

Nag-uwi din ng dalawang ginto ang Tigers ngunit bigo silang madagdagan ng pilak habang umangkin lamang ng dalawang tanso upang maungusan ng Archers.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Unang nagwagi ng ginto para sa La Salle si Rinna Babanto nang magwagi sa women’s individual sa iskor na 8.43 upang biguin ang Far Eastern University jin na si Charisse Jasmin (8.06) at Patricia Jubelag (7.96) ng University of the Philippines.

Ang isa pa na ginto ay napanalunan ng mixed pair nina Raphael Mella at Angelica Gaw na umiskor ng 8.66, kontra kina Fighting Maroons’ pair Dustin Mella at Janna Oliva (8.59) at Growling Tigers tandem nina Jerel Dalida at Jocel Ninobla (8.53) .

Natuhog naman nina Babanto, Gaw at Hernandez ang silver medal sa women’s team event sa iskor na 8.54, na dinuplika ng kanilang male counterparts na sina Mella, Mcavyngr Alob at Benjamin Sembrano para sa isa pa ikalawa nilang silver.

Si Alob ang nagwagi ng solo nilang bronze sa men’s individual.

Nakapag-uwi naman para sa UST ng dalawang ginto sina Rodolfo Reyes (8.58) sa men’s individual sa (8.58) at ang men’s team nina Reyes, Dalida at Adrian Ang (8.64).

Nanalo ng isang ginto ang UP sa pamamagitan nina Jubelag, Oliva at Aina Callos sa women’s team event (8.60).

(Marivic Awitan)