Puntirya ni three-time world title challenger Richie Mepranum ng Pilipinas na makabalik sa world ranking sa pagkasa kay WBC Continental Americas bantamweight champion Luis Nery sa kanilang 10-round bout sa Oktubre 22 sa Baja California, Tijuana, Mexico.

Nais ding iganti ni Mepranum ang Pinoy boxers sa sunod-sunod na kabiguan sa Mexico pinakahuli si Jerrry Tomogdan na natalo sa 12-round unanimous decision kay WBC No. 1 light flyweight Pedro Guevara noong Sabado ng gabi sa Centro de Usos Multiples, Mazatlan, Sinaloa, Mexico.

Beterano sa mga laban sa Mexico si Mepranum dahil ang tatlong pagkatalo niya sa world title bout kina dating world champions Julio Cesar Miranda, Juan Francico Estrada at Carlos Cuadras.

Nakilala sa buong mundo si Mepranum nang palasapin niya ng unang pagkatalo si dating WBA flyweight titlist Hernan Marquez noong 2010 sa Texas, United States pero nabawian siya sa puntos ng Mexican nang mag-rematch sila noong 2012 sa Sonora, Mexico.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sumisikat naman si Nery na nakalistang WBC No. 2. WBA No. 6 at WBA No. 10 sa bantamweight division taglay ang perpektong rekord na 20 panalo, tampok ang 14 na knockout.

Kasalukuyang World Boxing Union (German version) super flyweight titlist si Mepranum na may kartadang 31-5-1 win-loss-draw na may 8 pagwawagi lamang sa knockouts. (Gilbert Espeña)