KUNG may inilunsad na giyera kontra droga si Pangulong Rodrigo Duterte na inumpisahan niya noong Hulyo ay umaabot na sa mahigit 3,600 pusher at adik ang napatay at naitumba sa mga police operation at ng vigilantes, sa buhay at political career naman ni Sen. Leila de Lima, dumaranas siya ng mga pagsubok. Ang mga pagsubok na ito’y ang pagsasangkot sa kanya sa kalakalan umano ng ilegal na droga sa National Bilibid Prisons (NBP) at ang iringan nila ni Pangulong Duterte palibhasa’y mahigpit siyang kritiko ng Pangulo.

Ang iringan nina Pangulong Duterte at Sen. De Lima ay noon pang 2009 na ang matapang na senadora ay chairperson pa ng Commission on Human Rights (CHR). Inimbestigahan ang extrajudicial killings sa Davao City noong alkalde pa ng Davao City si Pangulong Duterte.

Nang mahalal na pangulo si Duterte noong Mayo, winarningan niya ang Kongreso na huwag iimbestigahan ang giyera kontra droga na balak niyang ilunsad. Kung gagawin, magkakaroon ng banggaan si Duterte at ang mga mambabatas.

Sa kabila ng babala, nang mahalal na senador si De Lima at maging chairperson ng committee on justice and human rights, gumawa ng imbestigasyon sa libu-libong napatay na mga drug suspect. Inimbestigahan din ang extrajudicial killings sa Davao City. Sa mga pahayag ni Edgar Matobato na kinuhang testigo, sinabi niya na si Duterte ay sangkot sa mga pagpatay sa Davao City na ginawa ng Davao Death Squad.

Bunga nito, ang mga kaalyadong senador ni Pangulong Duterte sa Senado ay pinatalsik si Sen. De Lima bilang chairperson. Pinalitan siya ni Sen. Richard Gordon.

Matatandaan na ipinahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang pagkainis marahil kay Sen. De Lima ay dapat magbigti na ang senadora o mag-resign dahil wala na siyang mukhang maihaharap matapos umanong masangkot sa ilegal na droga at sa umano’y nakipagrelasyon sa kanyang driver. Ngunit nanindigan si Sen. De Lima na hindi siya magbibitiw sa puwesto.

Ayon kay Senator De Lima: “Resignation at this point will be an admission of guilt and a sign of weakness. And I am neither weak nor guilt. Is there any reason why I should be taking advice from the person who is persecuting and maligning me? I don’t think so, he who want to see you extinguished and who wish your destruction”.

Maging ang mga kaalyado ng Pangulo sa Kamara ay naglunsad ng imbestigsyon sa kalakalan ng drog sa NBP. Si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll mismo ang kumuha ng mga drug convict bilang testigo laban kay Sen. De Lima.

Inanyayahan din dumalo ang sendora sa gagawing imbestigasyon ng committee on justice and human rights sa Kamara Tumanggi si De Lima sa pagdinig dahil tiyak na wala naman umano siyang makakamtang katarungan.

Ayon pa kay Sen. De Lima: “Mahirap. Alam ko naman na wala naman akong kinalaman diyan (kalakalan ng droga sa NBP).

And I am judged guilty already by the President. And then you think that the House Speaker will be fair to me? I ‘am already judged guilty.”

Sa pagding sa Kamara, dinurog ng mga testigo si Sen. De Lima sapagkat isinangkot siya ng mga testigo sa kalakalan ng droga sa NBP. Tumanggap pa umano si De Lima ng milyun-milyong piso. Maging ang sinasabing asset ng gobyerno na si Jaybee Sebastian ay inilaglag si Sen. De Lima. Ayon kay Sebastian, binigyan niya ng P2 milyon ang Senadora at umabot sa P10 milyon ang naibigay sa senadora na ginamit sa kanyang pagkandidato noong Mayo.