NALULUNGKOT kami para kay Ms. Alma Moreno na bigla palang tumaas ang blood pressure nang malamang nahulian ng isang kilong marijuana ang panganay niyang si Mark Anthony Fernandez na kasalukuyang nakapiit sa Angeles City Police Station 6.
Kinailangang i-sedate si Alma at pinayuhang huwag munang dumalaw sa anak dahil baka kung ano ang mangyari sa kanya lalo’t bibiyahe pa siya mula Parañaque hanggang Angeles City.
Pero hindi kayang tiisin ng ina ang anak, kaya nang maramdaman na medyo okay na siya ay nagpasama siya sa mga kaibigan para dalawin ang aktor noong Miyerkules ng gabi.
As expected, maraming tao sa Police Station 6 at may ABS-CBN reporter, si Gracie Rutao, na nakakuha ng video sa pagpasok ng dating aktres sa presinto.
Hinihingan ng komento si Alma pero nakiusap ang mga kasama nito na wala munang panayam at maging ang mga pulis sa lugar ay nakiusap din.
Halatang nanghihina pa si Alma pero nakangiti naman habang inaalalayan ng kasamang babae.
Hindi na nakunan ng camera ang pagpasok ni Alma sa loob ng selda ni Mark pero ayon sa nakuha naming impormasyon, hindi masyadong nagtagal ang aktres dahil napakainit sa loob at marami pang tao, kaya pinayuhan siya ng mga kasama niya na umalis na dahil baka sumama ulit ang pakiramdam niya.
Paglabas ng police station ay sinundan ng TV camera ang dating aktres at nakitang ngumiti naman sa mga taong bumati sa kanya sa labas at hanggang sa pagsakay sa SUV.
Samantala, hindi nagustuhan ng stepmom ni Mark Anthony na si Ms. Lorna Tolentino ang trato ng mga pulis sa aktor na iniharap daw sa media conference na walang kasamang abogado para gabayan sa mga isasagot.
Posibleng may nilabag daw sa karapatang pantao kay Mark ang mga otoridad.
Ang tumayong abogado ni Mark sa ginanap na inquest ay si Atty. Sylvia Flores na hindi rin nagbigay ng anumang pahayag at nabanggit din na hindi inabisuhan ang legal counsel sa ginanap na presscon ng aktor.
Nanlulumo ang halos lahat ng taga-movie industry lalo na ang talent managers na sina Lolit Solis (manager ng namayapang ama ni Mark na si Rudy Fernandez) at Boy Abunda na ninong ni Mark at nais nilang alamin kung ano ang buong pangyayari.
Nabanggit din ni ‘Nay Lolit na gumagamit nga si Mark ng marijuana para sa medical condition nitong arthritis at anxiety dulot ng trauma nang mamatay si Rudy sa pancreatic cancer.
Inamin din naman ni Mark sa panayam sa kanya na may doktor siyang nagpayo sa kanya na puwede raw siyang gumamit ng marijuana.
As of this writing ay pinag-aaralan ng abogado ni LT kung ano ang posibleng paglabag ng mga pulis sa pagprisinta kay kay Mark sa media.