INIHAYAG ni Ben Affleck na tatawagin na simpleng “The Batman” ang bagong stand-alone Batman film na idinidirihe at pinagbibidahan niya.
Bukas pa rin naman si Affleck sa posibilidad na baguhin ang pamagat ng pelikula, bagamat sinabi niya sa The Associated Press, “that’s what we’re going with now.”
Hindi niya pinapansin ang mga kritiko sa kanyang debut bilang The Dark Knight sa Batman vs. Superman nitong unang bahagi ng taon. Sinabi niya sa WTTG-TV ng Washington na ang pelikula ay, “biggest hit of my career” at idinagdag na gustung-gusto niya ito.
Bilang tugon sa pinakanegatibong rebyu sa pelikula, inihayag ni Affleck na nakatuon ang karamihan ng mga kritiko sa dark tone ng pelikula. Sinabi rin niya na magkatulad ang tono nito sa comic miniseries ni Frank Miller na The Dark Knight Return, na bahagyang pinagbasehan ng storya ng pelikula.
Samantala, ipapalabas na sa susunod na linggo ang The Accountant na pagbibidahan din ni Ben Affleck. (AP)