DAVAO CITY - Nananatili sa kostudiya ng pulisya ang isang baka na nakaperhuwisyo sa trapiko sa national highway sa Panacan sa lungsod, ayon sa hepe ng City Transport and Traffic Management Office (CTTMO).
Sinabi kahapon ni CTTMO Chief Rhodelio Poliquit na nasa kostudiya ng pulisya ang isang baka, na hinuli sa highway dakong 5:00 ng umaga kahapon.
“May dalawang iba pa (na baka),” sabi ni Poliquit. “Isa lang sa kanila ang nahuli namin.”
Sinabi ni Poliquit na tumakbo umano sa magkaiba at hindi natukoy na direksiyon ang dalawa pang baka.
Ang paghuli sa ligaw na hayop ay bunsod ng reklamong idinulog sa Davao City Hall, ayon kay Poliquit.
Batay sa reklamo, regular na dumadaan o tumatawid ang mga baka sa mga abalang kalsada ng Panacan tuwing umaga.
Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay wala pang umaangkin sa nahuling baka.
“Pagmumultahin namin ang may-ari alinsunod sa Comprehensive Traffic Code,” ani Poliquit.
Magmumulta ang may-ari ng baka ng P200 alinsunod sa traffic ordinance, at karagdagang P1,500 na halaga ng storage fees, bukod pa sa towing fees.
Ayon sa mga residente sa lugar, karaniwang tanawin na ang paggala-gala ng mga baka sa national highway tuwing umaga.
Hindi tumutol sa “pag-aresto” at nanindigan sa “right to remain silent” nito, nananatili pa rin ang baka sa compound ng CTTMO habang hinihintay ang magiging kapalaran niya. (YAS D. OCAMPO)