SASAILALIM si Brad Pitt sa drug at alcohol test bilang bahagi ng temporary agreement nila ng kanyang ex-wife na si Angelina Jolie para pahintulutan siya na makita ang kanyang anim na anak, saad nitong nakaraang Biyernes ng dalawang tao na may alam sa agreement.

Ang temporary agreement, na magaganap hanggang Oktubre 20, ang unang breakthrough ng masakit at nakakagulat na hiwalayan ng superstar couple simula nang magsampa ng diborsiyo si Angelina noong Setyembre 20. Idinahilan ng aktres ang “health of the family” at humingi ng buong physical custody para sa kanilang mga anak.

Parehong pumayag sina Brad Pitt, 52, at Angelina Jolie, 41, na sumailalim sa individual counseling, at sa unang pagdalaw ng una sa mga bata ay may kasama siyang therapist, ayon sa mga source na nakiusap na huwag pangalanan.

Hindi pa sumasagot sa mga tawag ang mga kinatawan nina Brad at Angelina para magbigay ng komento tungkol sa isyu noong Biyernes.

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Sinasabi sa mga balita na simula nang maghiwalay ang mag-asawa noong Setyembre 15, hindi pa nakikita ni Pitt ang kanyang tatlong tunay na anak at tatlong ampon nila ni Jolie.

Natapos ang mahigit isang dekada nang pagsasama ng couple, na kilala bilang Brangelina, kasunod ng insidenteng naganap sa private plane, na naiulat na uminit ang ulo ni Pitt sa harap ng kanyang isa o higit pang anak. Sinusuri pa ng Federal Bureau of Investigation kung magsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa pangyayari.

Parehong tahimik ang dalawa simula nang ipahayag ang kanilang hiwalayan. Hindi dumalo ngayong linggo si Pitt sa red carpet premiere sa Los Angeles ng kanyang pinakabagong pelikula, at nagpasabi na nais niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang “family situation.”

Ang bagong pelikula ni Pitt na ilalabas sa Nobyembre ay ang war drama na Allied, na pinagtatambalan nila ng French actress na si Marion Cotillard. Noong nakaraang linggo, naglabas ng pahayag si Cotillard na mariing itinatanggi ang kanyang pagkakaugnay sa hiwalayan ng Brangelina. Bago ang naturang pahayag, kumalat ang haka-haka na nagkamabutihan sina Pitt at Cotillard habang ginagawa ang pelikula. - Reuters