Magaganap ang pinakahihintay na sagupaan sa pagitan nina Milan Melindo at Fahlan Sakkeerin, Jr. para sa IBF Light Flyweight Interim world title sa Nobyembre 26 bilang bahagi ng ‘Pinoy Pride 39’ sa Cebu Coliseum.
Ipinahayag ni ALA Promotions president Michael Aldeguer, promoter ni Melindo, na ipinag-utos ng IBF ang interim title fight nina Melindo (No. 6) at Sakkeerin (No. 3) matapos mabigo si Japanese champion Akira Yaegashi na idepensa ang korona kay Melindo bunsod ng injury.
Dalawang ulit, nguni nabigo si Melindo (34-2-0, 12KOs) sa kanyang kampanya para sa world title, sa kamay nina Juan Francisco Estrada’ para sa WBO/WBA flyweight diadem noong Hulyo 27, 2013 sa Macau at Javier Mendoza sa IBF light flyweight title noong Mayo 30, 2015.
Nakabawi naman si Melindo sa naitalang back-to-back win kontra Victor Emanuel Olivo at Maximino Flores, kapwa Mexican.
Nabigo din sa kanyang kampanya sa world title si Fahlan Sakkeerin, Jr. (31-4-1, 16KOs) kontra Katsunari Takayama ng Japan via 9th round technical decision para sa IBF minimumweight title noong Abril 22, 2015 sa Osaka, Japan. Matapos nito, naitala niya ang apat na sunod na panalo bilang junior flyweight fighter.
Kung magtatagumpay, si Melindo ang ikapitong Pinoy na magtatangka para sa world title ngayong taon. Sa kasalukuyan, tatlong Pinoy ang nagtagumpay – sina Johnriel Casimero kontra Amnat Ruenroeng ng Thailand sa IBF flyweight title noong Mayo 25 sa China; Marlon Tapales kontra Pungluang Sor Singyu ng Thailand para sa WBO bantamweight title nitong Hulyo 27 sa Thailand; at Jerwin Ancajas kontra McJoe Arroyo ng Puerto Rico sa IBF super flyweight title nitong Setyembre 3 sa Taguig City.