CARRANGLAN, Nueva Ecija - Pinaniniwalaang natuldukan na ng Carranglan Police at Highway Patrol Group (HPG) ng pulisya ang talamak na hijacking sa Maharlika Highway sa Barangay Joson sa bayang ito, makaraang maaresto nitong Biyernes ng hapon ang umano’y leader ng mga hijacker.
Sa ulat ni Senior Insp. Adriano Alfonso Gabriel, Jr., hepe ng Carranglan Police, kay Nueva Ecija Police Provincial Office Director Senior Supt. Manuel Cornel, kinilala ang naarestong si Edmundo Puliciana y De Guzman, dating chairman ng Bgy. Piut, Carranglan.
Nasakote si Puliciana ng pinagsanib na operatiba ng Carranglan Police at HPG matapos ma-hijack ang Isuzu 10-wheeler truck (RNA-446) na may lulang 500 sako ng bigas na ide-deliver sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Rene Bitchayda y del Rosario, 40, driver ng truck, dakong 9:30 ng gabi at kasama niya ang apat niyang helper nang iparada niya ang sasakyan sa gilid ng highway sa Bgy. Joson para i-check ang mga gulong nito nang dumating ang mga hindi nakilalang suspek, tinutukan sila ng baril at inutusang magsidapa. (Light A. Nolasco)