Wala nang buhay nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang mister habang nawawala pa rin ang kanyang misis na kapwa umanong dinukot ng mga armado habang nag-aabang ng pampasaherong jeep sa Sampaloc, Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ang mag-asawang biktima na sina Laogan Kamir, 49, at Noria Kamir, 42, ng SH Loyola Street corner P. Campa Street, Sampaloc, Maynila.

Batay sa ulat ni Police Supt. Aquino Olivar, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 4, napag-alaman na pupuntang Quiapo ang mag-asawa at nag-aabang ng masasakyang jeep sa Fajardo Street, kanto ng San Diego St., Sampaloc, dakong 3:00 ng hapon nitong Martes nang dukutin ng apat na armado.

Isinakay umano ng mga suspek ang mag-asawa sa isang puting Toyota Hi-Ace na may plakang ZWF-107 at humarurot papalayo.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nakita naman umano ng anak ng mga biktima, si Suharto Kamir, ang pangyayari kaya agad siyang nag-report at humingi ng tulong sa mga pulis.

Gayunman, pagsapit ng 11:00 ng gabi ay nadiskubre ang bangkay ni Laogan sa likod ng Philpost sa Arroceros Extension, kanto ng McArthur Bridge sa Ermita, Maynila.

Ayon kay PO3 Marlon San Pedro, imbestigador ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), sinalvage ang biktima dahil nakagapos ang mga kamay at paa nito, habang sinuotan ng bonnet ang buong mukha at binalutan ng packaging tape.

Isang aluminum wire rin ang itinali sa leeg ng bangkay at isang karton ang nakasabit sa leeg na may nakasulat na: “Kage Lao Drug Lord Ng Mindanao Kayo Na Ang Sunod”. (MARY ANN SANTIAGO)