Nadaplisan ng bala ang isang pulis-Maynila makaraang barilin ng ‘di kilalang suspek, hinihinalang drug pusher, habang isinasagawa ang Oplan Tokhang sa Port Area, Manila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Police Supt. Albert Barot, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 5, ang biktima na si PO1 Marc Viola, nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs, Special Operations Task Unit (SAID-SOTU), ng MPD-Station 5.

Ayon kay Barot, nagsasagawa ng Oplan Tokhang ang kanyang mga tauhan, kasama si Viola, dakong 7:30 ng gabi sa 14th Street, Port Area, Manila nang bigla umanong barilin ng suspek ang biktima gamit ang isang sumpak.

Tinangka umanong habulin ng mga pulis ang suspek ngunit mabilis itong nakatakas dahil kabisado nito ang pasikut-sikot sa lugar.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Kaagad namang isinugod sa Manila Doctor’s Hospital ang pulis na nagtamo ng sugat sa kanyang kanang kamay at maayos na ang kondisyon.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga tauhan ng Bagong Lupa, Baseco, Police Community Precinct (PCP), katuwang ang SAID-SOTU, upang maaresto ang suspek. (MARY ANN SANTIAGO)