Nahirang si La Salle team skipper Jeron Teng bilang ACCEL Quantum/3XVI-UAAP Press Corps Player of the Week matapos pamunuan ang Green Archers sa pinakamatikas na panimula sa nakalipas na 13 taon sa UAAP men’s basketball tournament.

Itinalagang “team to beat” ngayong season ang Green Archers matapos manatiling tanging koponan na may malinis na karta sa nakalipas na apat na laro ngayong season.

At malaki ang papel na ginagampanan ni Teng na naghahangad ng kanyang ikalawang titulo sa huling taon niya sa liga.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Si Teng ang ikalawang Archer na nagwagi ng lingguhang citation kasunod ni Cameroonian Ben Mbala.

Sa nakaraang dalawang panalo, nagtala si Teng ng average na 18 puntos, 3.5 rebound, 2.5 assist at isang steal.

Sa kanilang 100-62 panalo kontra University of Santo Tomas, nagposte si Teng ng 13 puntos, 15 board, dalawang assist at dalawang steal.

At sa nakaraang laban kontra National University, umiskor si Teng ng 23 puntos sa 75-66 panalo.

Tinalo ni Teng para sa parangal sina Adamson duo Dawn Ochea at Rob Manalang at Far Eastern University big man Raymar Jose. (Marivic Awitan)