Inatasan kahapon ng Senate Blue Ribbon committee ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Foreign Affairs (DFA) na humarap sa Senado upang magpaliwanag sa mga akusasyon na ginamit ng China ang mga bato at lupa mula sa dalawang bundok sa Sta. Cruz, Zambales para makapagtayo ng sekretong 3,500-ektaryang military base na may operational missiles sa Scarborough Shoal.

Ito ang inihayag ni Sen. Richard Gordon, committee chairman, kaugnay ng isang “very serious’’ na alegasyon ni Zambales Gov. Amor D. Deloso na idinulog sa komite ng senador tungkol sa paggamit umanong palusot ng maiimpluwensiyang tao sa mga small scale mining permit “to gather the soil of Zambales and level the mountains and put in Scarborough.”’

Iginiit ni Deloso na ang Scarborough ay “converted into 3,500 hectares of reclaimed area and China built an airport and a missile station.’’

“Which explains why two US warships are guarding the area,’’ anang gobernador.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Sinabing inakala ng mga taga-Zambales na ang mga permit ay para lamang sa pagmimina ng nickel, iginiit ni Deloso na batay sa mga record ng lalawigan, nasa 999 truck ang naghakot ng mga lupa at batong panambak mula sa Sta. Cruz “night and day for almost two years.”

Hulyo 1 nang naluklok si Deloso bilang gobernador ng Zambales, kapalit ni dating Gov. Hermogenes E. Ebdane, Jr. na bigong makadalo sa pagdinig ng komite ni Gordon bagamat kinatawan ng abogado nito.

Sinabi ni Gordon na handa siyang magsagawa ng isang closed door session sa AFP at DFA kaugnay ng usapin, dahil ang sinasabing konstruksiyon at pagpapalawak ng China sa Scarborough Shoal ay malinaw na paglabag sa desisyon ng United Nations arbitral court na nagpapawalang-bisa sa nine-dash line claim ng Beijing.

Sa nasabing desisyon ng arbitral tribunal, iginawad nito sa Pilipinas ang pagmamay-ari sa Scarborough Shoal at sa iba pang pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea na nasa exclusive economic zone (EZZ) ng bansa. (MARIO B. CASAYURAN)