SA launch ng mag-inang Regine Velasquez-Alcasid at Nathaniel James a.k.a Nate as endorsers ng Smart Watch for PLDT Home, natanong ang Asia’s Songbird sa balitang maninirahan ng isang taon sa kanila ni Ogie Alcasid dito sa Pilipinas si Leila, ang pangangay na anak ng kanyang hubby sa first wife nitong si Michelle van Eimereen-Marrow.
“Walang issue sa amin ni Ogie ang pagtira sa amin ni Leila,” kuwento ni Regine. “Actually, I’m excited kasi nagkaroon na kami ng bonding sa kanila ni Sarah, sa two trips na namin sa Australia at sa pagpunta rin nila ritong mag-anak na nag-stay pa kami sa Boracay. Leila is always welcome, saka ang ganda-ganda niya, ang bait pa niya.
“Pero kung excited ako, kinakabahan din ako. Nagwo-worry kasi ako, kami ni Ogie, kay Michelle. Alam naming mahirap na mawalay si Leila sa kanya dahil sina Leila at Sarah na ang life niya. Nasa college na si Leila, ‘tapos bigla siyang pupunta rito. Concerned lang kami kay Michelle, pero sabi niya kailangan daw ni Leila na makasama naman si Ogie, to bond with his father.
“Yes, madalas naman silang nagkikita, dahil p’wede namang pumunta anytime si Ogie sa Australia kapag nami-miss na niya ang mga anak niya, pero iba pa rin daw iyong araw-araw na nagkikita ang mag-ama. Saka gusto ni Leila na makasama rin si Nate. Nalulungkot siya na baka raw makalimutan na siya ni Nate habang lumalaki at kapag nagkita sila muli, hindi na siya matandaan.”
Kapag nandito na si Leila, papayagan ba nila itong pasukin ang showbiz?
“Naku, hindi. Iyon ang ayaw kong mangyari, doon ako natatakot. Hayaan ko na lamang siyang mamasyal, maki-bonding sa kanyang tatay at kapatid, pero hindi ang pag-aartista, ayaw ko.
“Kaya baka next year na pupunta rito si Leila, hinayaan na muna namin, but I’m excited kung matutuloy siyang pumunta rito.”
Biniro tuloy si Regine na kaya sila nagpa-renovate ng kanilang mansion ni Ogie ay dahil may special guest pala silang darating.
Sa ngayon, tuluy-tuloy na muna si Regine sa mall shows niya for PLDT Homes at soon magpu-promote din sila ni Nate ng Smart Watch. (NORA CALDERON)