Hangad ni 2000 Sydney Paralympics bronze medalist Adeline Ancheta-Dumapong na mapantayan ang iniuwing tansong medalya ng kababayan na si Josephine Medina sa singles competition ng table tennis sa pagsabak sa women’s +86 kg. ng powerlifting Miyerkules ng hapon sa 2016 Rio Paralympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Nakatakdang sumabak ganap na 1:00 ng hapon sa oras sa Brazil si Dumapong-Ancheta, bitbit ang masidhing hangarin na malampasan ang kanyang nagawa na pagsungkit sa pinaka-unang tansong medalya ng Pilipinas sa kada apat na taong torneo na para sa mga differently-abled athletes.
Matatandaan nakopo ng 42-anyos mula sa Kiangan, Ifugao ang bronze medal sa 2000 Sydney Olympics.
Samantala, nabigong makapag-uwi ng medalya sa kanyang huling event ang wheelchair athlete na si Jerrold Pete Mangliwan na nagkasya lamang sa ikapitong puwesto sa men’s 400m (T52) finals sa oras na 1:04.93. Tanging naging konsolasyon ni Mangliwan ang pagtatala nito sa isinumiteng oras bilang kanyang personal best. (Angie Oredo)