Bago magsimula ang torneo, isa ang defending champion Colegio de San Juan de Letran Knights sa itinalaga bilang  Final Four contender ngayong NCAA Season 92 basketball tournament.

Subalit, ang pagkawala ng dalawang star player na siyang namuno sa koponan upang makamit ang kampeonato noong isang taon ay labis na ininda ng Knights partikular sa kalagitnaan ng eliminations hanggang ngayong papatapos na ang double round at mahigpit ang labanan papasok  sa Final Four.

Bigong makatagpo ng mga pupuno sa naiwang puwesto nina Kevin Racal at Mark Cruz ang bagong coach na si Jeff Napa. Pinalitan niya si coach Aldin Ayo na lumipat sa La Salle sa UAAP.

Nitong Biyernes, nalasap ng Knights ang ikawalong kabiguan na ganap na tumapos ng kanilang paghahari sa liga.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Definitely a lot of frustration. Eto yung hindi ko ine-expect,” ayon kay Napa matapos pormal na magwakas ang tsansa nilang makausad sa susunod na round.

 “I don’t want to point fingers and I’m taking full responsibility with what happened.”

Sinikap ni Napa na magamit lahat ng kanyang mga minana, ngunit sadyang kulang pa dahil walang nakapantay sa tatag at tibay na ipinakita ni Racal at sa pamumuno at playmaking skills ni Cruz.

“Hindi naman rebuilding [year] pero it so happened na eto na yung nadatnan ko. Kung baga ginawan ko lang ng paraan,” ayon pa kay Napa.

.“Next year it will be a different story,” ang tila pangakong wika nito.

“Iniisip na lang namin how to improve pa e, lalo pa kung sino pa ang maiiwan,” ayon pa kay Napa.“This year I didn’t get a full season para mahawakan yung team. Hopefully, mabago namin yung mga pagkakamali namin next season.”

Subalit dahil may limang players na magtatapos, mukhang mas bibigat pa ang kanilang kakaharaping paghahanda para sa susunod na season.

“Five [graduating players] ata e kaya medyo mabigat. Kukulangin kami ng firepower kaya patch up, patch up lang.” - Marivic Awitan