ANG panahon ng martial law ay ang isang mapanupil na bahagi ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas. Itinuring din na isang madilim na kahapon ng sambayanang Pilipino sapagkat ang panahon ng diktadurya at panahon ng rehimeng Marcos ang sumikil sa lahat ng karapatang pantao. Sinupil ang kalayaan sa pamamahayag. Nagtagal ng 14 na taon. Nag-iwan ng mapapait na karanasan sa mga kamag-anak ng mga naging biktima. Mababanggit na halimbawa ang mga dinukot na lider-manggagawa, estudyante, mga pari at madre, at iba pa na bigla na lamang naglaho. Sila ang tinatawag na “Los Desaparacidos”. Aabot sa 70,000 ang inaresto, habang 34,000 ang pinahirapan at 3,200 ang pinatay ng mga pulis at military, ayon sa ulat ng International Amnesty noong panahon ng martial law.
Bilang pagtutol sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, noong Agosto 14, 2016, sa kabila ng pag-ulan, nagtipun-tipon sa Rizal Park sa Maynila ang libong survivor ng martial law, human rights, aktibista, artista, mga pari, mga estudyante, mga congressman at karaniwang mamamayan. Hiniling kay Pangulong Duterte na bawiin ang kanyang plano na ilipat ang mga labi ni dating Pangulong Marcos mula sa kanyang bayan sa Ilocos Norte patungo sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City. May mga hawak na plakard ang mga ito na nagdudumilat ang mga titik ng pagtutol tulad ng, “Hindi bayani si Marcos”, “Ang mga bayani ay hindi nagnanakaw o pumapatay”.
Ayon kay Rep. Edcel Lagman, lalabanan nila ang planong paglilibing kay dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa paghahain ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema. Umulan man o umaraw, patuloy ang mass action o kilos-protesta hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa. Ang kapatid ni Rep. Edcel Lagman na si Herman Lagman, isang human rights lawyer, ay pinatay noong martial law at hindi na nakita ang bangkay nito.
Sa pananaw naman ni dating Akbayan Rep. Walden Bello, ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani ay magiging gantimpala sa panlilinlang, pagiging ganid at mga krimen laban sa sangkatauhan. Ang mensahe nito ay OK ang diktadurya, pagbibigay ng maling kabatiran. Sa halip na magkasundo, makahilom sa bansa, ang paglilibing ay magiging sanhi ng pagkakawatak-watak. Ang bansa ay lalaitin ng daigdig.
Binatikos naman ng director na si Joel Lamangan ang plano ni Pangulong Duterte. Sinabi niya na ang bayani ay hindi nagnanakaw, hindi pumapatay. Marunong mahiya at hindi pinagtataksilan ang bansa. Ang mga bayani ay ang mga nagtanggol sa demokrasya na hindi humihingi ng pagkilala; ang mga namatay sa bundok; ang mga namatay sa pagtatanggol sa kalayaan. Ayon pa kay Lamangan, ang diktador ay dapat ilibing sa “Libingan ng mga Taksil sa Bayan” at hindi sa Libingan ng mga Bayani.