NAGSAMA-SAMA nitong Miyerkules ang kabataan mula sa dalawang bansa na pinaghihiwalay ng mga yamang tubig, lengguwahe, at iba pang tradisyunal na pagkakaiba para sa isang makulay at enggrandeng cultural performance sa pinakamatandang unibersidad sa Asya.

Dinala ng Taiwan Youth Ambassadors, na binubuo ng 22 estudyante mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad at pinangunahan ni Director Shyi-Ren Sun, noong Miyerkules ng gabi ang kanilang bansa sa entablado ng Medicine auditorium ng Univesity of Santo Tomas (UST)

“The performance will be more than just a piece for the eyes, but a celebration of our common humanity,” ani Rev. Fr.Herminio Dagohoy, UST Rector, sa malugod na pagtanggap nito sa delegasyon at iba pang Taiwanese officials at iba pang bisita na dumalo sa kaganapan.

Sa temang “Dynamic Youth, Friendly Taiwan”, kagiliw-giliw na nagtanghal ang mga youth ambassador sa kanilang cultural performance na nahati sa anim na pagtatanghal.

Ipinaikita sa unang kaganapan ang ibang aerial photograph ng mga nagagandahan at kapansin-pansin na lugar sa Taiwan, na sinundan ng dance production na inspirasyon ang mga yamang tubig na pinalilibutan ang bansa.

Sa hindi inaasahan, may isang binatilyo ang halos inako ang entablado sa pagpapakita ng talento nito sa paglalaro ng yo-yo na may LED lights.

Suot ang kasuotang pang-tribo at detalyadong headdress, nagsagawa ng interpretative dance ang isang kabataan na tampok ang mga tradisyon ng grupong katutubo sa Taiwan na Paiwan.

Binubuo ang ikatlong pagtatanghal ng iba’t ibang seremonya na binigyang-kahulugan sa pagsasayaw, hawak ang isang tradisyunal na instrumento.

Ipinakita rin nila ang seremonya sa pagpapakasal sa Southern Min, tea-picking, at kung paano magbibigay-galang ang tao sa kanilang Tin Hau Temples.

Bagamat tradisyunal ang pagtatanghal, sinubukan pa rin nila na magdagdag ng kakaiba at nakakatawang bahagi sa kanilang produksiyon.

Sa gitnang bahagi ng ikatlong pagtatanghal, may lalaking gumaya sa mga galaw ni Beyoncé, na ‘tila bahagi siya ng “Crazy In Love” music video.

Sa ikaapat na produksiyon, nagprisinta ang mga magtatanghal ng mga galaw ng martial arts sa Taiwan.

Sumunod dito ang modern dance na nagpapakita nang maunlad nilang teknolohiya. Dito na napatayo ang mga manonood at binuksan ang flashlight ng kanilang cell phone na parang nasa isang konsiyerto.

Sa huling kaganapan, isang malaking lantern ang dinala sa gitna ng entablado na sinundan ng mga estudyante na may dalang maliit na lantern sa kanilang kamay.

Habang sila’y sumasayaw, ipinakita ang mga larawang ng humanitarian assistance ng Taiwan sa screen, na ginawang emosyonal ang buong auditorium.

Sinimulan ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ang International Youth Ambassadors Program noong 2009.

Kada taon, iba’t ibang estudyante ang napipili mula sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo para sumailalim sa serye ng pagsasanay.

Pagkatapos, hahatiin sila sa mga grupo at dadalhin sa magkakaibang bansa sa buong mundo.

Mananatili ang mga youth ambassador sa itinalagang bansa sa ilang araw para maranasan ang kultura ng bansa. Sa kapalit, magbibigay sila ng mga sulyap ng kanilang kasaysayan at kultura sa partikular na bansa. (PNA)