ANG isa sa paborito nating aktres, Bossing DMB na si Yen Santos ay kasama na bagong batch ng Regal babies at tinawag na Regal Millennial Baby. Pumirma siya ng four-movie contract sa movie outfit ng mag-inang Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo.
Isa si Yen sa mga produkto ng Pinoy Big Brother Teen Clash Edition 2010 at ka-batch niya sina James Reid, Bret Jackson, Devon Seron at Ryan Bang na aktibo rin ngayon sa showbiz.
Ayon kay Yen nang makapanayam namin, hindi pa siya nakakagawa ng pelikula simula nu’ng lumabas siya sa PBB house kaya abut-abot ang pasalamat at agam-agam niya nang kunin siya bilang leading lady ni Piolo Pascual sa pelikulang Once In A Lifetime (produced ng Regal Films, Spring Films at Star Cinema) sa direksiyon ni Dondon Santos.
“Hindi po ako nagka-movie, first time lang, pero hindi naman ako nawawalan ng TV project po sa ABS-CBN,” sabi ni Yen.
“Ang dami ko na pong nagawa like Mutya (2012), Ikaw Ay Pag-ibig (2011), Pintada (2012), All of Me (2015), marami na po at TV guestings pa. Kaya first movie ko talaga ito with Papa P pa.”
Sa Queenstown, New Zealand ang first shooting day nina Yen at Piolo kasama ang batang aktor na si Raikko Mateo kaya kinumusta namin ang pagtatrabaho nila roon. (Hindi sila nakarating sa pinagsyutingan ng Lord of the Rings na tourist spot ngayon.)
“Doon lang po kami sa pinaka-province roon kasi iyon na lang ang may part na may snow, ‘yun ang pinakaimportanteng shots kasi kailangan sa concept, northern life na may snow. Actually patapos na rin ang snow nu’ng paalis po kami,” kuwento ni Yeng.
Bakit kailangan nilang magpunta ng New Zealand at sino ang character na tagaroon?
“Si Piolo po ‘yung taga-New Zealand talaga and ang character ko naman po, pumunta ako roon para hanapin ang mother ko po and siyempre nagkakilala kami ni Piolo at doon na nag-start ang story namin,” kuwento ng dalaga.
Hindi pa masabi ni Yen kung naging mag-asawa sila ni Piolo o hanggang boyfriend at girlfriend lang.
“Hindi pa po namin alam, kasi hanggang New Zealand pa lang ‘yung alam kong story, dito po (sa Pilipinas) pa lang made-develop lahat pati ‘yung kissing scene, dito po kukunan,” say ng aktres.
Paano naghahanda si Yen sa kissing scenes sila ni Papa P?
“Ha-ha, magto-toothbrush, magmumog ng Listerine, ha-ha-ha,” tumatawang sagot ng dalaga.
Nabanggit din ni Yen na na-starstruck siya nang magkita sila ni Piolo at hindi kaagad siya nakapagsalita. Pero nakapag-bonding na raw sila sa New Zealand kaya hindi na siya madi-distract kapag nag-resume ang shooting nila.
Kuwento ni Yen wala siyang kaalam-alam na si Piolo ang magiging leading man niya dahil nu’ng nag-meeting sila sa Regal Films ay walang sinabi sa kanya.
“Alam ko lang po may movie, pero hindi ko alam na si Piolo pala at ‘yung direktor ko sa All of Me ay siya ring direktor ko pala sa first movie ko.
“Kaya nu’ng nagkita-kita kami, nagulat talaga ako, at hindi ako makapaniwala nu’ng kasama si Papa P, kasi Yen Santos lang po ako saka ultimate crush ko siya,” masayang kuwento ng aktres.
Panahon pa ng All of Me serye naririnig ni Yen ang concept ng pelikula kay Direk Dondon at nakikinig naman daw siya at sabi lang niya, ‘Maganda ‘yang concept mo, Direk, push mo ‘yan. Saka hindi ako nagtatanong sino mga artista’, pero hindi naman niya sinabing ako ‘yun, so parang naririnig ko lang.
“‘Yung anak ko po kasi sa All of Me na si Ivan, parating tinutukso ni Direk na sabi niya, ‘O, pakabait ka kasi ‘pag nagkataon isasama kita sa Alaska’. Kasi po dapat sa Alakas kami. Kaya nagulat ako nu’ng meeting at dumating nga si Direk Don. Sabi ko nga, ‘O, Direk, ikaw pala direktor dito’.”
Inamin ng dalaga na may hesitations siya bilang leading lady ni Piolo.
“Kasi po lahat halos ng kapareha ni Papa P, aktres nang matatawag, ako sino ba naman ako? Nakapareha na niya sina Judy Ann Santos, Claudine Barretto, Sarah Geronimo, kaya sabi ko, sino ba naman ako? Kaya lagi kong tanong, kakayanin ko ba ito?”
Sabi pa ni Yen, lahat ng projects na ibinibigay sa kanya ay parating surprise at panay ang pasasalamat niya dahil itinuturing niyang blessings ang mga ito sa kanya.
At dahil Piolo na kaagad ang leading man niya, sino pa ang gusto niyang makasama sa next projects niya!
“Ang hirap nga po kasi ang taas kaagad, John Lloyd (Cruz) na tayo. Sila ‘yung aktor na masasabing (magaling). Gusto ko rin po si Jericho Rosales, sina Coco Martin,” say ni Yen. (REGGEE BONOAN)