Alora, nalalabing Pinay na sasabak sa Rio Olympics.

RIO DE JANEIRO – Mula sa 13 atleta, nag-iisa na lamang si Kirstie Alora sa hanay ng Team Philippines para sa huling tsansa para sa kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa Olympics.

“Last man (woman) standing na ko. Pressure, hindi naman maiwasan ‘yun. Pero focus pa rin ako sa kung ano ang makakaya ko,” pahayag ng 25-anyos Southeast Asian Games champion.

Nakatuon ang pansin ng sambayanan kay Alora – huling atleta ng bansa – na sasagupa sa XXXI Olympiad.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nakaatang sa kanyang balikat ang pag-asa matapos mabigo si Filipino-American Eric Cray sa semifinals ng men’s 400m hurdles nitong Martes (Miyerkules sa Manila), gayundin ang pagkasibak ni Marestella Torres-Sunang sa women’s long jump.

“Medyo magkahalo ang kaba at saya dati. Pero ngayong ako na lang ang lalaban para sa bayan, parang mas bumigat yung pressure, but at the same time mas determinado ako,” sambit ni Alora, nakalusot sa matikas na Asian Championship para makalaban sa Rio.

Haharapin niya sa preliminary bout sa women’s over 67 kg. ng taekwondo competition ang pamosong si Maria Espinoza ng Mexico. Ang Mexican ay gold medalist sa 2008 Beijing at silver medal winner sa London Games may apat na taon na ang nakalilipas.

Target din ni Alora na malagpasan ang quarterfinal stint ni Maria Antoneitte Rivero sa Beijing, hindi man mapantayan ang gintong medalya na napagwagihan ni Stephen Fernandez noong 1988 Seoul Olympics.

Sa papel, ang taekwondo ang unang nakapagbigay ng gintong medalya sa Pilipinas, ngunit nilaro ito sa South Korea bilang ‘demonstration sports’

Ngunit, tulad nang pangkaraniwang tagahanga, pinangarap din ni Alora, ngunit hindi naisakatuparan na makaharap at makamayan ang mga idolong atleta tulad nina swimming great Michael Phelps, basketball star Kevin Durant at tennis icon Roger Federer.

“Sila talaga ang idol ko. Magkakasama kami sa iisang lugar, pero hindi ko sila nalapitan at nakausap man lang. Sayang,’ pabirong pahayag ni Alora.

‘Pero okey lang, hindi naman sila ang pakay ko rito, kundi ang mabigyan ng kasiyahan ang aking mga kababayan,” aniya.

Sa kasalukuyan, nakapag-uwi na ang delegasyon ng isang silver medal mula kay Hidilyn Diaz sa women’s 53 kg. competition.