RIO DE JANEIRO (AP) – Naungusan ng Argentina ang host Brazil sa double-overtime, 111-107, habang nabuhayan ang sisinghap-singhap na kampanya ng Spain sa men’s basketball ng Rio Olympics nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Bunsod ng kaguluhan sa mga nakalipas na laro, nakiusap sina Brazilian team captain Marcelinho Huertas at Luis Scola ng Argentina bago ang laro sa mga tagahanga na igalang ang resulta ng laban.

“We are South American brothers, and we ask everybody to support us in the spirt of the Olympics and in a civil manner,” pahayag ni Huertas.

Hataw si Andres Nocioni sa naiskor na 37 puntos, habang kumana si guard Facundo Campazzo ng 33, kabilang ang 13 puntos sa overtime.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Naisalpak ni Nocioni ang krusyal na three-pointer may apat na segundo ang nalalabi sa regulation para maipuwersa ang overtime at madismaya ang crowd.

Nanatiling abante ang Brazilian sa kabuuan ng overtime, ngunit nakalusot ang fast-break lay-up ni Campazzo may 36 segundo ang nalalabi para maipuwersa ang ikalawang overtime.

Tangan ng Argentina ang pangunguna sa Group B hawak ang 3-1 karta para makasiguro ng quarterfinal slot.

Matapos ang nakadidismayang kabiguan sa unang dalawang laro, naitala ng 2008 at 2012 silver medalist Spain ang ikalawang sunod na panalo nang tambakan ang Lithuania, 109-59.

Nanguna si NBA star centre Pau Gasol sa Spain na may 23 puntos.

Haharapin ng Spain ang Argentina sa Lunes (Martes sa Manila) para masiguro ang quarterfinal berth.