SEOUL (Reuters) – Isinusulong ng South Korea ang insect industry bilang isa sa mga pagkakakitaan sa agrikultura at puspusan ang paghihikayat sa mga tao na kumain ng insekto, bilang masustansiya at environmentally friendly food.
Ang pagkain ng insekto entomophagy, ay matagal nang karaniwan sa maraming bahagi ng mundo kabilang ang South Korea kung saan ang nilagang silky worm pupae o beondegi ay isang popular na merienda.
Sinisikap ng pamahalaan na mas maraming tao pa ang maging komportable sa pagkain ng crickets at mealworms na pinulbos o hydrolyzed upang makuha ang oils at protein at gawing pagkain, mula sa ice cream hanggang sa sausage.
Ang insect industry ng South Korea ay nagkakahalaga ng 304 billion won ($278 million) noong nakaraang taon, halos dumoble mula noong 2011. Nais ng gobyerno na palawakin ito sa 530 billion won pagsapit ng 2020.
Ayon sa U.N. Food and Agriculture Organization (FAO), ang mga insekto ay mayaman sa fat, protein, vitamins, fiber at minerals. Ang taglay na unsaturated omega-3 at six fatty acids ng mealworms ay katumbas ng sa isda at mas mataas kaysa karne at baboy, ayon dito.
Sa buong mundo, halos 2 bilyon katao ang kumakain ng insekto at mahigit 1,900 species ang ginagamit sa pagkain, ayon sa FAO, na nagsabing ang entomophagy ay maaaring magkaroon ng malaking papel sa food security at environmental protection dahil mas kakaunting lupa at tubig ang kailangan nito kaysa baka.