Ni ARIS R. ILAGAN

SA pagsusulputan ng mga app-based transportation service sa Metro Manila, nakasasakay pa ba kayo sa regular na taxi?

Sa pakikipagtsikahan ni Boy Commute sa mga app-based transportation service tulad ng Uber at Grab, talagang malaki ang kinain ng kanilang grupo mula sa hanay ng mga ordinaryong taxi sa usapin ng kita.

Napakakumbinyente, ligtas at malilinis ang sasakyan, patuloy ang pagdami ng mga sumasakay sa Uber at Grab.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Bagamat mas mahal, mas ninanais ng mga pasahero na tangkilikin ang mga ito sa halip na sumakay sa mga ordinaryong taxi na paiba-iba ang patakaran.

‘Andyan ang nangongontrata, andyan ang namimili ng destinasyon.

At obserbahan n’yo, marami ang taxi na halos hindi na nililinis ng driver at operator.

‘Andyan din ang tadtad ng bangga ang kaha ng unit at hindi na ipinaaayos dahil magastos sa bulsa ng operator.

‘Andyan din ang tinatawag na “surge rate”, na naniningil ang Uber ng karagdagang singil sa pasahe, depende sa tindi ng trapik na kanilang daraanan.

May doble, may triple. Naranasan na rin ni Boy Commute na masingil nang limang beses sa singil sa kanyang pupuntahan, na halos limang kilometro lamang ang layo subalit halos hindi gumagalaw ang trapik.

Hindi na siya pumalag dahil bago pa man sumakay ang isang pasahero sa Uber o Grab ay may estimate fare na kanilang babayaran. O, ‘di ba, mas malinaw ang kuwentahan?

Bumalik tayo sa ordinary taxi. Kung mamalasin, mahina rin ang aircon kaya kahit nakasakay ka sa taxi ay tagaktak pa rin ang iyong pawis.

Hindi maintindihan ni Boy Commute kung bakit hindi pa rin maalis ng mga driver ng ordinary taxi ang nakagawiang magtanong sa pasahero kung saan ito patungo bago niya isakay.

Kung hindi nakapila sa mga shopping mall, na isinusulat ng mga sekyu ang plate number ng taxi upang masubaybayan ang mga ito sa posibleng pang-aabuso sa mga pasahero, tiyak na magtatanong muna ang taxi driver kung saan ang destinasyon.

At kung hindi niya type ang destinasyon, isasara niya ang bintana sabay iskiyerda.

Ganyan kabastos ang maraming driver ng ordinary taxi hanggang ngayon.

Mas mura nga ang taxi fare, pero ganito naman ang pagtratong aabutin ng mga pasahero.

‘Di bale na lang, pare!

Isang pindot ko lang sa cell phone at tiyak na darating ang app-based taxi service. Mayroon pa akong pagpipilian sa hanay ng solo passenger o car pooling.

Lahat ay recorded at may katumbas na confirmation message sa email ng mga patron.