Hindi nakapagtimping sinagot ng social media personality na si Sachzna Laparan ang bintang na binili lang umano niya ang kaniyang college diploma.
Sa isang Facebook post ni Sachzna noong Sabado, Marso 14, sinabi niyang nasasaktan umano siya sa mga negatibong komentong nababasa niya tungkol sa kaniyang pagtatapos.
Aniya, “Nasasaktan ako sa ibang articles na nababasa ko na sinasabing binili ko daw ang diploma ko. Una sa lahat, hindi ganun ang pagkakakilala ko sa Philippine Christian University (PCU),”
“Isa sila sa mga university na pro-working student at may magandang program para sa mga taong sobrang busy pero gusto pa rin makapagtapos ng pag-aaral. Pangalawa, parang ini-invalidate ninyo yung pagod, effort, at dedication ko para makapagtapos,” dugtong pa ni Sachzna.
Ito umano ang eksaktong dahilan kung bakit isang beses lang siyang nag-post noon ng tungkol dito dahil marami umanong hindi magiging masaya sa bagong milestone ng kaniyang buhay.
“I hope mas maging masaya na lang tayo sa achievements ng isa’t isa. Napakadami na masyado nangyayari sa Pilipinas. Gawin natin inspiration ang bawat isa,” saad pa ng social media personality.
Nagtapos si Sachzna ng degree program na Bachelor of Science in Office Administration.
Sumailalim siya sa ETEEAP (Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program) ng PCU na idinisenyo para makapagbigay ng flexible at inobatibong programa sa mga estudyante sa pamamagitan ng blended learning method.
Matatandaang ibinida ni Sachzna kamakailan ang kaniyang graduation pictorial sa kolehiyo na aniya’y pinaka-proud na achievement niya raw sa buhay.