JEAN AT RICHARD copy copy

PAGKARAAN ng pitong taon ay muling mapapanood ang Mano Po sa 2016 Metro Manila Film Festival produced ng Regal Entertainment.

 

Ang Mano Po 7 ay pagbibidahan nina Richard Yap, Jean Garcia, Jana Agoncillo, Janella Salvador, Enchong Dee at iba pa mula sa direksiyon ng true-blooded Chinoy na si Ian Lorenos, ang direktor ng mga pelikulang Saturday Night Chills nina Matteo Guidicelli, David Chua at Rayver Cruz, Alagwa ni Jericho Rosales at The Leaving na pinagbidahan naman nina LJ Reyes, LJ Moreno, Acey Aguilar at iba pa.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Sa story conference ng Mano Po 7 iprinisinta ni Direk Ian through Powerpoint kung ano ang magiging kuwento ng pelikula, kung saan ang location shoot, at kung anu-ano ang roles ng mga magsisiganap.

 

Sa mga naunang Mano Po series ay may ibang asawa ang padre de pamilya, pero sa Mano Po 7 ay iibahin ni Direk Ian dahil ang babae, na gagampanan ni Jean, ang may kalaguyo at loyal naman ang asawang si Richard.

 

Si Richard lang ang kauna-unahang bidang lalaki sa franchise ng Mano Po na akma raw sa kanya dahil purong Chinese siya, sabi ng mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde-Teo.

 

Anak ng Chinese billionaire ang role ni Richard bilang si Wilson Tan na maganda ang buhay pero maagang namatay ang ama kaya nabago ang takbo ng buhay niya, naging fighter at stiff ang pagkatao dahil siya ang tumayong padre de pamilya. Iniwan din kasi sila ng kuya niya kasama ang nanay. Kaya unhappy ang childhood niya.

 

Tinanong namin si Richard nang masolo namin kung gaano kalapit sa personal niyang buhay ang karakter niya bilang si Wilson Tan at anak ng bilyonaryo.

 

“Hindi naman in real life, pero nakikita ko sa ibang Chinese families na may ganu’n, so may background ako. Wala rin akong naranasan na ganu’n tulad nu’ng unhappy childhood, pero may kaibigan akong naranasan ang ganu’n at nakikita ko kung paano nangyayari talaga,” sagot ng aktor.

 

Samantala, marami ang nagulat nu’ng ipakilala sina Richard at Jean dahil nagdayalog ang una na, ‘Dati ko siyang crush’ noong boyfriend pa ng aktres si Jigo Garcia na ama ni Jenica na asawa naman ngayon ni Alwyn Uytingco.

 

Sa madaling sabi, teenager pa noon si Richard, kaya wala namang masama at tinanong namin kung alam ba ito ng asawa niya.

“Sinabi ko na yata sa kanya noon. Hindi na nga siya sumama ngayon sa storycon, sabi nga niya, ‘ikaw na ang bahala d’yan.’ Walang problema naman sa kanya kung magka-crush ako, minsan sasabihin nga niya, ‘ang ganda nu’ng babae, oh.’ Ngayon wala na akong crush.”

 

Malaki raw ang tiwala ni Mrs. Melody Yap kay Richard.

“We trust each other dahil alam naman niyang this is work. At saka sa tagal na namin, ang dami na naming pinagdaanan, kilalang-kilala na namin ang isa’t isa.”

 

Hindi ba nahirapan noon si Richard nang ipagpaalam niya sa mga magulang niya na walang dugong Chinese ang napangasawa niya?

 

“Traditional ‘yung parents ko, ‘yung lumang-lumang (angkan), kasi ‘yung lola ko nakabalot ang paa, so siyempre gusto nila, mag-asawa ako ng Chinese. Hindi ko maintindihan ang erpat ko kasi sa akin siya strict at sa brother ko, mga babae namin, pumapayag siya na hindi Chinese. So may pagka-bias ang erpat ko,” paliwanag ng aktor.

 

Paano niya ipinaglaban si Melody sa magulang niya?

“Well, nagpaalam ako ng mabuti kasi ilang beses din niya ako tina-try na ipakilala sa iba at pinagbigyan ko siya, actually, pero hindi talaga nagwo-work, at sinabi ko kung sino ang gusto kong pakasalan at nagpaalam ako ng mabuti.”

 

Bilang Chinoy, hiningan naming siya ng reaksiyon tungkol sa nangyayari sa West Philippine Sea na inaangkin ng China.

 

“Nasa loob kasi ng Pilipinas ‘yan at ang mahirap nga, kini-claim ‘yan o maraming nagki-claim sa area na ‘yun, but the Hague has given decision na sa atin nga iyon. I guess we have to talk to China about it, I think hindi naman nila gagawin ang hindi dapat kasi kapag inaway nila tayo, hindi lang naman tayo lang, maraming concerned, maraming makikialam kasi marami rin silang kalaban. Kailangan pag-usapan ng mabuti,” sagot ni Richard.

 

Inamin din ng aktor na bagamat purong Chinese ang dugo ay pusong Pinoy talaga siya mula ulo hanggang paa.

“Oo naman, dahil saan naman ako pupunta kung babalik ako ng China? Hindi naman ako tatanggapin doon, ha-ha-ha, hindi naman ako Chinese passport, dito ako ‘pinanganak,” tumatawang sabi ni Richard. (Reggee Bonoan)