BRZEGI, Poland (AP) – Hinamon ni Pope Francis ang daan-daan libong kabataan na nagtipon sa isang malawak na Polish meadow na iwasan na maging “couch potato” o batugan na nakatutok lamang sa video games at computer screens at sa halip ay makialam sa pakikibaka ng lipunan at politika upang makalikha ng mas makatarungang mundo.
Sa kabila ng mahabang araw ng mga paglabas sa publiko, buong sigla na hinarap ng 79-anyos na papa ang mga sabik nitong tagapakinig sa maalinsangang gabi ng Sabado.
Nagsalita si Francis tungkol sa pagkabatugan na bunga ng paghahanap lamang ng kaginahawahan, na inaakalang ang kaligayahan ay ang kampanteng pamumuhay na maaaring magresulta sa pagkakait sa ibang tao ng kakayahan na matukoy ang kanilang mga sariling kapalaran.
“Dear young people, we didn’t come into this world to `vegetate,’’ to take it easy, to make our lives a comfortable sofa to fall asleep on. No, we came for another reason: To leave a mark,’’ sabi ni Francis sa madla na tinaya ng Polish media na nasa mahigit isang milyon sa malaking pastulan sa Brzegi, isang pamayanan sa labas ng katimogang lungsod ng Krakow.
Kinondena ni Francis ang modernong pagtalikod sa katotohanan sa pagbaling sa mga materyal na bagay at computer na naghihiwalay sa mga tao.
Para kay Francis, si Jesus ay ang “Lord of risk ... not the Lord of comfort, security and ease.’’
‘’Following Jesus demands a good dose of courage, a readiness to trade in the sofa for a pair of walking shoes and to set out on new and uncharted paths,’’ sabi ni Francis.
Hinamon niya ang dagat ng mga tagapakinig, na nakakalat sa mga inilatag na kumot, na gumawa ng marka sa mundo sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga politiko, thinkers, at social activists at tumulong sa pagtayo ng ekonomiya ng mundo na pinukaw ng pagkakaisa.
``The times we live in do not call for young `couch potatoes,’’’ aniya na sinalubong ng palakpakan, ``but for young people with shoes, or better, boots laced.’’
Ang apela ni Francis nang gabing iyon ay kasunod ng Misa na ipinagdiwang niya kasama ang mga pari, madre, at kabataang seminarista na hinimok niyang umalis sa kanilang mga comfort zones at kalingain ang mundong nangangailangan. Sinabi niya na nais ni Jesus na ang simbahan ay maging simbahan na kumikilos, “a church that goes out into the world.’’
Tinapos ng papa ang limang araw na pagbisita sa Poland nitong Linggo sa Misa sa parehong lugar sa Brzegi, ang crowning event ng World Youth Day ngayong taon.