Sino ang hindi magugulat na ang isang mabagsik na boksingerong katulad ng bagong World Boxing Organization bantamweight champion na si Marlon Tapales na isa palang ,mama’s boy.

Sa pagdayo ni Tapales kasama ang kanyang ina, trainer at manager sa Thailand, isang bansang kilala sa garapalang hometown decision at mapang-asar pang mga manonood, inamin ng bagong kampeon na bukod sa kanyang corner, ang kanyang ina ang nagtulak sa kanya para makaangat sa mahirap na laban niya kay Thai champion Pungluang Sor Singyu.

“Masyado akong natakot kasi iyon ang first time kong makita na bumagsak siya sa lona,” kuwento ng kanyang nanay na si Maria. “Pero nagtiwala ako sa kanyang trainer kasi sila ang nakakaalam nun. Pero nang makita ko siyang okay na, humiyaw na lang ako nang humiyaw para suportahan ang anak ko.”

At hindi naman sila binigo ng 24 -anyos na Tapales, matapos makapagpahinga at maibalik ang hangin sa kanyang katawan, rumesbak ang Filipino top contender sa Round 6 at pinabagsak ang Thai champ. Naramdaman din ni Tapales na wala nang lakas si Pungluang pagsapit ng 10th round kung kaya isinagad na niya ang pag-atake pagpasok ng round 11 at pinatulog din sa wakas ang matigas ding Thai champion.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nang bumagsak ako ulit sa round 5, sinadya ko iyon para makapagpahinga kahit sandali, para makabawi nang konti,” kuwento sa PhilBoxing.com ni Tapales, inaming nasaktan talaga siya ni Pungluang nang atakihin nito ang kanyang bodega.

“Napakarami kong natutuhan sa laban na iyon. Unang-una, dapat palaging think positive. ‘Pag parang masyadong mahirap ang lahat, hindi dapat susuko,” aniya.

“Hopefully maging matagal akong champion. Ito ngayon ang pangarap kong matupad,” pagtatapos ni Tapales.

(Gilbert Espena)