Masusubok agad ang katatagan ni Ian Lariba – isa sa apat na Pilipinong atleta na sasabak sa aksiyon sa unang araw matapos ang tradisyunal na opening ceremony sa Agosto 5 -- kontra sa karibal na Puerto Rican sa table tennis event sa Riocentro Convention Center sa Rio De Janeiro.
Ang 21-anyos na estudyante ng De La Salle University ay mapapalaban kay Adriana Diaz ng Puerto Rico sa unang araw na ng table tennis competition na binubuo ng 86 atleta sa men’s at women’s division.
Ang 15-anyos na Puerto Rican ay ranked No. 80 sa buong mundo, habang si Lariba ay nasa 297. Nakatakda ang kanilang laban sa preliminary round sa ganap na 12:00 ng tanghali.
Ang magwawagi sa preliminary ay uusad sa susunod na labanan hanggang round-of-32 kung saan naghihintay naman ang mga seeded players. Para sa hindi kabilang sa Top 32, tila isang himala ang lulusutan para sa medalya.
Nakuha ni Lariba ang kopya ng kanyang laban noong Biyernes ng gabi at walang sinayang na panahon ang kanyang South Korean coach na si Mi Sook Kwon upang makahanap ng detalye sa kalabang Puerto Rican, na isang beterano sa paglahok sa 2014 at 2016 World Championships.
Si Diaz ay rank na No.9 sa world’s top 20 junior player (edad 18-pababa). Tulad din ni Lariba, pinakauna rin siyang atleta ng Puerto Rico na kakatawan sa table tennis competition sa Summer Olympics.
“I’ve seen her play although I haven’t played her. She’s younger but has more experience in international tournaments. She joins the World Tour. She is right-handed,” pahayag ni Lariba.
“She’s more active than me when it comes to international tournaments.”
Pag-aaralan din ni Lariba at kanyang coach na naging silver medalist sa 1999 World Championships, kung paano gumalaw si Diaz sa mga susunod na araw.
“We will see more of her on the Internet. But I’ve seen her play. We’re now studying her game,” ayon kay Lariba, flag-bearer ng Philippine Team sa opening parade.
Ang tatlong iba pang atletang Pinoy na sasabak sa aksiyon sa Agosto 6 ay ang swimmer na si Jessie Khing Lacuna sa men’s 400-m freestyle at boxer Rogen Ladon sa light-flyweight 949 kg. at Charly Suarez sa lightweight (60 kg) division.
Patuloy din ang pagsasanay ni Lacuna kasama si Jasmine Alkhaldi, na lalangoy sa women’s 100-m freestyle.