Mga Laro ngayon

(Araneta Coliseum)

4:30 n.h. -- Phoenix vs Globalport

6:45 n.g. – SMB vs Star

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Labanan ng kulelat ang paparada sa basketball fans sa pagtutuos ng GlobalPort at Phoenix, habang magpupursige rin na makaabante ang San Miguel Beer at Star Hotshots sa tampok na laro ng double header sa OPPO-PBA Governors Cup ngayon, sa Smart-Araneta Coliseum.

Kapwa lungayngay sa ilalim ng 12-team standing, tangan ang parehong 0-3 karta, tatangkain ng Fuel Masters at Batang Pier na makaalpas sa pagkalubog sa kanilang duwelo sa ganap na 4:30 ng hapon.

Magtutuos naman ang Beermen (2-10) at Hotshots (1-2) sa 6:45 ng gabi.

Galing sa 103-105 kabiguan ang Beermen kontra sa nangungunang Mahindra Enforcers at inaasahang babawi ang kanilang import na AZ Reid na nagtamo ng malaking turnover sa krusyal na sandali nang balewalain ang desisyon na tumawag ng timeout sa final second.

Para sa Star, magtatangka itong umangat mula sa kinalalagyang four-way tie sa ika apat na posisyon hawak ang barahang 1-2, kasalo ng NLEX, Blackwater at Alaska.

Umaasa si Hotshots coach Jason Webb na magsisilbing simula ng pagganda ng kanilang kapalaran ang naitalang 105-102 overtime na panalo kontra Globalport na pumutol sa kanilang two-game losing skid.

“We’re hoping that this will turn things around,” ani Webb.

Inaasahan ng Batang Pier na makakapag-adjust na sa istilo ng Pinoy basketball ang bagong import na si Mike Glover na ipinalit nila sa dating import na si Dominique Sutton.

Sa kanyang debut game ay nagtala ng 27 puntos, 12 rebound, limang assist at isang block si Glover.

“Dumedepensa sya. Pag pinasahan mo sa poste, alam nya yung gagawin nya. Alam nya kaming hanapin, yung mga guards.

Sobrang beterano nya na import, so malaking tulong sya para sa amin,”pahayag ni Batang Pier ace guard Terrence Romeo patungkol sa bago nilang reinforcement. (Marivic Awitan)