DHAKA (Reuters) – Hiniling ng Federal Reserve Bank of New York sa central bank ng Pilipinas na tulungan ang Bangladesh Bank na mabawi ang $81 milyong ninakaw ng hackers noong Pebrero mula sa account nito sa Fed.
Sa liham na ipinadala noong Hunyo 23, hiniling ni New York Fed’s General Counsel Thomas Baxter kay Elmore O. Capule, general counsel ng Bangko Sentral ng Pilipinas na gawin ang lahat upang suportahan ang pagsisikap ng Bangladesh Bank na mabawi ang ninakaw na assets.
Sa liham na nasilip ng Reuters, isinulat din ni Baxter na ang payment instructions na nagresulta sa apat na money transfer sa mga account sa Rizal Commercial Banking Corp (RCBC) sa Manila ay na-authenticate gamit ang “commercially reasonable security procedure”, ngunit inisyu ito ng mga taong gumamit ng nakaw na credentials.
Pumayag din ang Bangladesh Bank na ibahagi sa Fed ang ulat sa pagnanakaw na inihanda ng U.S. cyber security firm na FireEye, sabi ng isang source na malapit sa Bangladesh central bank at may direktang alam sa desisyon. Ilang linggo na itong hinihiling ng mga opisyal sa United States.
Wala pang komento ang New York Fed kaugnay sa liham sa FireEye report.