Nakasama na sa delegasyon ng bansa sa Rio ang dalawang boksingero na parehas binibigyan ng tsansang makapag-uwi ng medalya para sa bansa.
Galing sa matinding pagsasanay sa America sina light-flyweight Rogen Ladon at lightweight Charly Suarez kasama si coach Nolito “Boy” Velasco. Dumating ang grupo walong araw bago ang opening ceremony na gaganapin sa Agosto 5.
Ito ang pinakaunang Olympic stint ng dalawang fighter.
“Una ko po, medyo kabado pa pero sa laban tiyak wala na ito,” pahayag ng 22-anyos na si Ladon, pambato ng Bago City sa Negros Occidental, na siyang pinagsilangan ni Mansueto “Onyok” Velasco, ang huling silver medalist sa Olympics noong 1996 Atlanta Olympics.
Ang nakatatanda niyang kapatid na si Roel Velasco ay nagwagi ng bronze sa 1992 Games sa Barcelona.
Ang medalyang pilak ni Onyok sa light-flyweight class ang pinakahuling medalya na naiuwi ng Pilipinas sa Olympics, na pilit lalampasan ng 12 atleta na sasabak sa pitong sports sa Rio.
Alam ni Ladon na matagal nang naghihintay ang mahigit 100 milyong Pilipino sa isang Olympic hero kung kaya naman walang ibang iniisip ang dalawa kundi ang makapag-uwi ng anumang kulay ng medalya.
“Go for gold tayo,” pahayag ni Ladon. (Angie Oredo)