POKWANG copy copy

PAREHONG may Alzheimer’s disease ang ina ni Boy Abunda at ni Pokwang. Kaya ganoon na lang ang pakikinig ni Pokwang sa mga payo ni Kuya Boy kung paano ang gagawing pagtatrato sa kanilang ina.

Kuwento ni Pokwang, ngayon ay unti-unti nang nawawala ang memory ng kanyang ina na kung minsan ay kung anu-ano na lang ang mga naaalala at pinagsasabi.

“Niyakap ko siya, then tinanong ko siya kung kilala pa niya ako. Sabi niya sa akin, ‘Ikaw si Pokwang sa Wowowie. Dati kasi, kapag tinatanong ko siya sabi niya sa akin na ako raw si Mayet. ‘Yun ‘yung mga araw noon na medyo okey pa siya,” kuwento ni Ms. P.

Mga Pagdiriwang

BALITAnaw: Ang Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar

Nang sagutin daw siya ng nanay niya na siya si Pokwang ng Wowowie ay sinundan agad niya ng tanong kung ano ang relasyon nilang dalawa,

“Ang sagot niya, ‘Bayaw’. Talagang napaganu’n na lang ako. Kumbaga, tinanggap ko ang ganu’n na nga ang sakit niya,” sey ni Pokie.

Pero kahit na nagkaroon ng Alzheimer’s disease ang ina ay masaya na rin naman kahit papaano ang aktres na kapiling pa rin niya ito, at labis niya itong ipinagpapasalamat sa Diyos.

Kaya nga raw ang payo ni Pokwang sa mga kapatid at mga kamag-anak niya, sana ay iparamdam na lang nilang lahat ang pagmamahal nila sa kanilang ina.

“Kung gaano tayo ka-thankful sa kanya na kahit marami kami, eh, binuhay niya kami at ‘di niya kami pinamimigay. Kaya dapat lang na araw-araw, eh, iparamdam namin sa kanya na mahal na mahal namin siya,” dugtong pa ng aktres.

Kahit aware na raw silang lahat na nawawala na talaga ang memorya ng kanilang ina, hindi naman dapat na mawala na rin ang pagmamahal nila sa pinagkakautangan nila ng buhay.

“Sa totoo lang din naman,eh, hindi naman kami nawawalan ng pag-asa na sa tulong pa rin ng Panginoon, eh, babalik sa normal ang memorya ng ina namin. Pero if ever tuluyan na ngang magkaganun, eh, gusto ko lang na ipadama sa kanya kung gaano namin siya kamahal,” seryosong lahad pa rin ni Pokwang.

Siyempre, marami ring advices si Boy Abunda kay Pokwang at nararamdaman din naman ng host ng Tonight With Boy Abunda ang pinagdaanan ngayon ni Pokwang dahil sa ina rin niyang merong mild dementia. (JIMI ESCALA)