Binigyan ng palugit ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ng hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon ang mga may-ari ng 48 pribadong palengke sa lungsod na sumunod sa lahat ng regulatory requirements na ipinatutupad ng pamahalaang nasyonal at lokal kaugnay sa lehitimong pagtitinda.

Naglabas ng ultimatum ang Alkalde matapos iulat ng City Health Department (CHD)na 48 mula sa 49 na pribadong palengke sa lungsod ang nag-operate ng walang mga kaukulang permiso at sertipikasyon, tulad ng health at sanitation permit, business permit, environmental clearances at discharge permits, na manggagaling mula sa QC government, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Napag-alaman sa ulat ni Dr. Verdades Linga, hepe ng CHD, tanging ang Super Palengke sa Project 8 lamang ang nakasunod sa mga requirement.

Umaasa si Mayor Bautista na makasusunod sa mga requirement ang mga may-ari ng mga palengke bago mag-Pasko.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ayon sa Alkalde, ang mga permit at clearance ay naglalayong hikayatin ang mga may-ari ng mga palengke na mas pagandahin pa ang kanilang mga establisimyento nang sa gayon ay mapalakas pa ang kanilang kita.

Kabilang sa mga palengke na ininspeksyon ng CHD, katuwang ang environmental protection and waste management department at market development administration department, ay ang Arayat, Commonwealth, Farmer’s, Mega Q Mart, Litex, Muñoz, Pag-asa, Suki, A. Bonifacio, Abra, at Susano Market. (Jun Fabon)