May 31, 2026

Home BALITA

Misis na bida-bida at mahilig mang-under, pasok sa 'legal grounds' ng separation

Misis na bida-bida at mahilig mang-under, pasok sa 'legal grounds' ng separation

Naglabas ng desisyon ang Supreme Court (SC) na nagsasabing maaaring ituring na "grossly abusive conduct" o matinding mapang-abusong pag-uugali ang paglikha ng isang "hostile and intimidating environment" sa loob ng pagsasama ng mag-asawa, na maaari ding magsilbing batayan para sa legal separation.

Sa isang desisyong may 14 na pahina na  na inilabas ng Second Division ng Korte Suprema noong Nobyembre 18, 2025 ngunit inilathala lamang kamakailan, pinagbigyan ng hukuman ang petisyon ng isang mister laban sa kaniyang asawa kaugnay ng kanilang kaso sa legal separation.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng lalaki na umano’y labis na kinokontrol ng kaniyang asawa ang halos lahat ng aspeto ng kaniyang buhay. Kabilang sa kaniyang mga alegasyon ang pagbabawal sa kaniya na makihalubilo sa mga kaibigan, paggawa ng mahahalagang desisyon nang hindi siya kinukonsulta, at paggamit umano sa kanilang mga anak upang pilitin siyang magbigay ng mas malaking suportang pinansyal.

Ayon sa Korte Suprema, sapat ang mga inilahad na ebidensya upang patunayan na nakaranas ang mister ng isang nakakatakot at hindi malusog na kapaligiran sa loob ng kanilang pagsasama.

“To the Court’s mind, (the husband’s) allegations against (his wife) satisfy the existence of a hostile and intimidating environment for Garry. As can be gleaned from the facts, Lynn’s treatment of Garry subjected him from always taking Lynn’s lead. Moreover, there were numerous attempts made by Garry to save their marriage through counseling and interventions, which were, nonetheless, made futile,” ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr.

Politics

'Magulo!' Ex-Sen. Koko Pimentel umapela sa Senado, ibalik tiwala ng publiko at kredibilidad!

Binigyang bigat din ng hukuman ang testimonya ng mga testigo ng mister na nagpapatunay umano sa pagiging dominante at kontrolado ng asawa sa kanilang relasyon.

Ang mag-asawa ay ikinasal noong 2003 at nagkaroon ng dalawang anak. Una nang pinagbigyan ng Regional Trial Court sa Davao City ang petisyon ng mister para sa legal separation noong 2017, kabilang ang kaniyang kahilingan para sa visitation rights.

Gayunman, binaligtad ito ng Court of Appeals noong 2018 at nagpasya pabor sa asawa.

Sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema, muling kinilala ang legal separation at nilinaw na ang emosyonal at sikolohikal na pang-aabuso sa loob ng kasal ay maaaring maging sapat na dahilan upang maputol ang legal na pagsasama ng mag-asawa.

Itinuturing ng mga legal expert na mahalagang desisyon ito dahil mas pinalawak nito ang interpretasyon ng "grossly abusive conduct" sa ilalim ng Family Code, at kinikilala na hindi lamang pisikal na pananakit ang maaaring makasira sa isang pagsasama kundi maging ang patuloy na pagkontrol at pananakot sa isang asawa.