Ngayong naibaba na ng Permanent Court of Arbitration ang kanyang Award sa South China Sea proceeding na idinulog ng Pilipinas laban sa China, nanawagan ang European Union at ang Member States nito sa mga kinauukulang partido na harapin ang mga nalalabing isyu at isulong ito sa pamamagitan ng negosasyon at iba pang mapayapang paraan at iwasan ang mga aktibidad na posibleng magpalala ng tensiyon sa rehiyon.

Sa inilabas na deklarasyon bilang kinatawan ng EU sa Award na ibinaba ng Arbitration sa pagitan ng Manila at Beijing, binigyang-diin ni EU High Representative and Vice President of the European Commission (HR/VP) Federica Mogherini na kahit na walang kinikilingan ang EU sa aspeto ng pag-aangkin ng soberanya, nagpahayag ito na kailangan ng mga partido sa iringan na resolbahin ito sa mapayapang paraan, linawin ang kanilang mga pag-aangkin at isulong ang mga ito nang may respeto sa lahat ng partido at naaayon sa international law, kabilang na ang pagkilos alinsunod sa framework ng United Nations Convention on the Law of the Seas.

“The EU recalls that the dispute settlement mechanism as provided under UNCLOS contribute to the maintenance and furthering of the international order based upon the Rule of Law and are essential to settle disputes,” sabi ni HR/VP Mogherini sa Declaration.

Idinagdag niya na binibigyang-diin ng EU ang “fundamental importance of upholding the freedoms, rights and duties established in UNCLOS” partikular na ang “freedoms of navigation and overflight” at sinusuportahan ang mabilis na kongklusyon ng mga pag-uusap tungo sa epektibong Code of Conduct sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations at ng China bilang pagtupad sa 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Bilang miyembro ng ASEAN Regional Forum (ARF) at bilang High Contracting Party sa 1976 Treaty of Amity and Cooperation in South East Asia, idiniin ni Mogherini na hangad din ng EU na maitaguyod ang kooperasyon sa pagsusulong ng “peace, harmony, and stability” sa rehiyon. (ROY MABASA)