Magsisilbing huling hataw sa paghahanda sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games, ang pagsabak ni Ian Lariba bilang miyembro ng delegasyon mula sa Team UAAP-Philippines sa 18th ASEAN University Games, sa Nanyang Technological University sa Singapore.

Asam ng delegasyon na mapaganda ang ikalimang puwestong pagtatapos sa torneo dalawang taon ang nakalipas na siyang pinakamaganda nitong kampanya sa loob ng anim na taong pagsali sa pag-uwi ng 10 ginto, 11 pilak at 22 tansong medalya sa Palembang, Indonesia.

Magbabalik upang muling pamunuan ang bansa si triple gold medalist Hannah Dato ng Ateneo sa swimming. Si Dato ang nanguna sa Lady Eagles sa pag-uwi ng titulo sa UAAP nakaraang taon.

Sasabak din sa 10-araw na regional meet na tampok ang 1,500 atleta mula sa 11 bansa na magtutunggali sa 16 na sports ang Season 78 co-Athletes of the Year na sina La Salle table tennis ace Ian Lariba at Ateneo volleyball superstar Alyssa Valdez.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Ito ang huling kumpetisyon ni Lariba bago ito sumabak sa prestihiyosong Rio Olympics na magsisimula Agosto 5 hanggang 21, habang si Valdez ay makakasama ang kanyang koponan na Lady Eagles sa huling torneo. Ang Ateneo ay nabigo sa kampeonato kontra sa karibal nitong La Salle sa volleyball.

Matatandaan na si Valdez kasama ang setter na si Jia Morado at libero Denden Lazaro, ay itinulak ang Team UAAP-Philippines sa pagsungkit sa tansong medalya sa Palembang.

Kasama rin sa delegasyon ang UAAP champion squads na Ateneo men’s volleyball at University of the East men’s at women’s fencing, pati na rin ang non-UAAP team tulad ng Ateneo shooting, archery, at water polo.

Huling nag-uwi noong 2014 ang Pilipinas ng apat na ginto, tatlong pilak at siyam na tanso sa swimming, mayroon itong 4-4-4 (ginto-pilak-tanso) sa taekwondo, 2-1-3 sa athletics at pilak sa diving, at tanso  sa women’s volleyball.

Ang Indonesia ay may 64-77-45 upang tanghaling overall champion sa Palembang, kasunod ang Thailand (52-34-23), Malaysia (38-39-49) at Vietnam (24-14-2).

Ang 2014 ang pinakamatagumpay na kampanya ng Team UAAP-Philippines sapul noong 2008 edisyon sa Kuala Lumpur kung saan nag-uwi ito ng walong ginto, 12 pilak at 21 tanso para sa ikaanim na puwesto.

Nananatili ang Indonesia na may pinakamaraming pangkalahatang titulo na naiuwi sa 11. - Angie Oredo