PINANGALANAN ni Pangulong Duterte ang tatlong matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at dalawang retiradong pulis sa pagpapatuloy ng kampanya ng kanyang gobyerno laban sa ilegal na droga sa bansa nitong Martes. Ito ang huling kabanata sa drug scene—mistulang pangkaraniwan nang eksena sa bansa sa ngayon ang mga pag-aresto, pagsuko, at pagpatay sa mga sangkot sa ilegal na droga.

Sa kaparehong araw, dalawang tulak ng droga ang napatay sa Cavite, dalawa sa Pampanga, at dalawang iba pa sa Pasay City. Bago ito, noong Lunes, ay apat na katao ang napatay ng pulisya sa isang buy-bust operation sa Pangasinan. Apat ang napatay sa Quezon ng mga hindi nakilalang lalaki. May 200 nagbebenta at gumagamt ng droga ang sumuko sa pulisya sa Pasay City. Labinlima ang sumuko sa alkalde at sa hepe ng pulisya sa Diffun, Quirino. Inihayag ng Western Visayas Police na may kabuuang 1,323 ang sumuko simula nang magsimula ang bagong administrasyon. Nagsagawa na rin ng mga drug test sa mga pulis at 2,400 na ang nasuri, siyam sa kanila ang nagpositibo.

Pinangunahan ng bagong PNP, sa pamumuno ni Director General Ronald “Bato”de la Rosa, alinsunod sa kampanya ni Pangulong Duterte, ang mga hakbangin laban sa problema sa droga sa bansa, at mariing tinututukan ang pagkakasangkot dito ng mga pulis, sa pakikipagsabwatan man sa mga drug lord o sa pagiging sila mismo ang lulong sa droga.

Isang sorpresa ang pakikibahagi ng New People’s Army (NPA) sa kampanya laban sa droga. Ipinag-utos ng mga pinuno ng Communist Party of the Philippines sa NPA ang pagdakip at pagpatay sa mga nagbebenta ng droga sakaling pumalag ang mga ito. Hiniling ng Pangulo ang tulong at suporta ng NPA sa kampanya kontra droga nang pangunahan niya ang pagpapalit ng opisyal ng Armed Forces of the Philippines.

Nang mangako si Duterte noong kampanya na reresolbahin niya ang problema sa droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, marami ang nagdudang maisasakatuparan niya ito. Gayunman, ibinoto siya ng mamamayan dahil siya lamang, sa lahat ng kandidato, ang nangakong magpapatupad ng isang kongkretong hakbangin. Ang pangako niya laban sa droga ang naging kabuuan ng tema ng pagbabago na naghalal kay Duterte.

Ngayon, naisasakatuparan na ang pagbabago sa maraming kagawaran at ahensiya ng gobyerno. Kumikilos na ang mga tauhan ng Pangulo sa larangan ng agrikultura, pagmimina at iba pang likas na yaman, sa trapiko, sa pagbabago sa batas, sa pagsisikap para sa kapayapaan sa Mindanao, sa paghahanda ng Justice Department sa mga nakabimbing kaso ng katiwalian.

Inaasahan natin ang pinakamalalaking pangyayari sa mga larangang ito, ngunit sa ngayon, hinahangaan natin ang malawakang kampanya ng gobyerno laban sa droga.

Sa kabi-kabilang pag-aresto ng mga pulis at pagsuko ng mga gumagamit ng droga, malaki ang posibilidad na matupad ni Pangulong Duterte ang itinakda niyang anim na buwang deadline. Ang usapin sa limang matataas na opisyal ng PNP na pinangalanan ng Presidente ay maaaring magbunsod upang maging kumplikado ang sitwasyon, ngunit hindi dapat na mapigilan nito ang tagumpay na inaani ng kampanya.