UMANI ng pagkondena mula sa mundo ng mga Muslim ang pambobomba malapit sa ikalawang pinakabanal na lugar ng Islam sa siyudad ng Saudi na Medina, at maging ang Taliban at Hezbollah ay tumuligsa rito.

Apat na katao ang nasawi sa pagsabog malapit sa Prophet’s Mosque sa panahong abala ang mga Muslim sa paghahanda para sa kapistahan ng Eid al-Fitr ngayong linggo, o ang pagdiriwang sa pagtatapos ng banal na buwan ng pag-aayuno o Ramadan.

Inihayag ni King Salman na pananagutin ng Riyadh ang mga nagnanais na mamerhuwisyo sa kabataan nito, ngunit sa kanyang talumpati ay nagbabala rin sa kabataan ng kaharian laban sa “the dangers that lie in wait, notably extremism”.

Sinabi ni US National Security Council Spokesperson Ned Price: “Although the investigation of these attacks is still in its early phases, the intent of the terrorists is clear: to sow division and fear.”

Binatikos din ng tagapagsalita ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon ang mga pag-atake.

“These crimes are all the more despicable as they were carried out as residents were preparing for Eid al-Fitr,” sabi ni Stephane Dujarric.

Ang pag-atake malapit sa mosque sa Medina—na kinalilibingaan ni Propeta Mohammed at dinadayo ng milyun-milyong pilgrim taun-taon—ay isa sa tatlong nangyari sa bansang pinamumunuan ng Sunni nitong Lunes.

Wala pang umaako sa responsibilidad sa pambobomba sa Medina, Jeddah, at sa silangang lungsod ng Qatif, subalit hinimok noong Mayo ng grupong Islamic State ang mga tagasuporta nito na maglunsad ng mga pag-atake sa kasagsagan ng Ramadan.

Ang mga militanteng Sunni ay matagal nang sinisisi sa serye ng pamamaril at pambobomba noong Ramadan, kabilang na sa Orlando, Bangladesh, Istanbul at Baghdad.

Ang pagpuntirya ng mga terorista sa Medina ay ikinasindak ng maraming Muslim at nagbunsod ng matinding galit sa relihiyosong paghahati sa Islam.

Nanawagan ang makapangyarihang bansang Shiite na Iran ng pagkakaisa para sa lahat ng Muslim, habang tinagurian naman itong “gruesome” ng Afghan Taliban.

“There are no more red lines left for terrorists to cross. Sunnis, Shiites will both remain victims unless we stand united as one,” tweet ni Iranian Foreign Minister Mohammad Javad Zarif.

Inihayag ng Taliban na ito “condemns this incident in the strongest of terms and considers it an act of enmity and hatred towards Islamic rituals”.

Ang militanteng grupong Shiite sa Lebanon na Hezbollah—na inakusahan ng Riyadh ng pagsuporta sa “terrorist acts” sa rehiyon—ay isa rin sa mga kumondena sa insidente na inilarawan nitong “a new sign of the terrorists’ contempt for all that Muslims consider sacred.”

Sinabi ni UN rights office spokesman Rupert Colville: “It is an attack on the religion itself.”

Tinagurian naman itong “unprecedented” ng pinuno ng Saudi Shura Council, ang pangunahing government advisory body.

“This crime, which causes goosebumps, could not have been perpetrated by someone who had an atom of belief in his heart,” sabi ni Abdullah al-Sheikh. (Agence France Presse)