LONDON (AP) — Hindi pa nakatadhana – ngayong season -- kay Novak Djokovic na tanghaling Grand Slam champion.

Novak Djokovic (AP photo)
Novak Djokovic (AP photo)
Natuldukan ang makasaysayang 30 sunod na panalo sa Grand Slam match ng world No.1, gayundin ang pangarap na makamit ang tunay na grandslam championship nang magapi ng 41st ranked na si Sam Querrey, 7-6 (6), 6-1, 3-6, 7-6 (5) sa naantalang laro sa third round ng Wimbledon tennis championship nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa All-England Club.

Itinigil ang laro nitong Biyernes ng hapon matapos bumuhos ang ulan kung saan naghahabol ng dalawang set na kabiguan si Djokovic. Makalipas ang 24 oras, itinuloy ang duwelo, subalit hindi na nagawang makaahon ng defending champion.

“He just overpowered me,” pahayag ni Djokovic, patungkol sa 31 aces na naitala ng karibal na hindi pa nakakatikim ng quarterfinals sa anumang major tournament.

Human-Interest

Perwisyo! Netizen gumanti sa kapitbahay na nagparada ng kotse sa harap ng bahay niya

Bunsod ng kabiguan, naantala ang kampanya ni Djokovic na pantayan ang calendar-year Grand Slam na huling nagawa ni Rod Laver noong 1969.

“I believe in positive things in life, and I managed to win four Grand Slams in a row — two different seasons, though. I want to try to focus on that,” pahayag ni Djokovic.

Ang calendar-year Grand Slam ay kampeonato sa apat na major tournament – Australian Open, French Open, Wimbledon, at US Open.

Napagwagian ni Djokovic ang apat na kampeonato, ngunit sa loob ng dalawang taon matapos niyang makuha ang Wimbledon noong Hulyo, US Open noong Setyembre, habang nadomina ang Australian Open nitong Enero at French Open nitong Hunyo.

Sa kasaysayan, tanging sina Laver (1962 at 1969) at Don Budge (1938), ang nakapagtala ng calendar-year grand slam.

“That was sort of quite a surprise, seeing Novak getting knocked out. I thought he was going to get the title,” pahayag ni Laver sa panayam ng Associated Press.

“I don’t know whether it was the pressure or whether he wasn’t feeling up to full power. ... It didn’t look like he was ready to play a big match.”

Nalagay sa alanganin ang kampanya ni Djokovic bago pa man ipinatigil ang laro nitong Biyernes ng gabi dulot ng pag-ulan nang mabigo sa unang dalawang set kay Querrey, kauna-unahang American sa nakalipas na 14 na taon na nagwagi sa No.1 ranked player sa major.

“I’m not going to lie and say going into it I thought I was going to win,” sambit ni Querrey.

Sa pagbabalik ng laro, nagawang maipanalo ni Djokovic ang third set, at nakuha ang 5-4 bentahe at nakaambang maitabla ang laro sa fourth set, subalit sumablay sa kanyang service play.

“Probably not the best he’s ever played,” pahayag ni Querrey, sunod na haharap kay Nicolas Mahut ng France.