ZAMBOANGA CITY – Isang lalaki na bumaril at nakapatay sa kanyang asawa sa harap ng tatlo nilang anak na hinostage niya sa kanilang bahay sa Molave, Zamboanga del Sur, ang napatay din ng mga pulis.

Kinilala ng Molave Municipal Police ang hostage taker na si Eddie Reyes, 35, walang trabaho, ng Purok 4, Sitio Sili, Barangay Bagong Ariosa, Molave, Zamboanga Del Sur.

Bigo naman ang pulisya na kilalanin ang nasawing ginang.

Ayon sa pulisya, dakong 7:00 ng umaga nitong Martes nang biglang i-hostage ni Reyes ang kanyang misis at ang tatlo nilang anak sa loob ng kanilang bahay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ng pulisya na armado ang suspek ng isang .45 caliber pistol at isang granada.

Sinikap ng mga pulis na makipagnegosasyon kay Reyes para palayain nito ang mag-iina, ngunit sa halip ay binaril ng suspek ang asawa.

Tinatangka ni Reyes na alisin ang pin sa hawak na granada nang binaril at napatay siya ng mga pulis.

Inaalam pa ng pulisya ang dahilan kung bakit hinostage ni Reyes ang sariling pamilya. (NONOY E. LACSON)