Mahigit P200, 000 halaga ng ari-arian ang tinangay ng pitong armandong lalaki na nagpakilalang mga pulis sa bahay ng mag-asawa.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Precious Borlongan, 53, visual artist; at asawa nitong si Elmer Borlongan, 49, ng No. 6-A Maningning St., Barangay Sikatuna Village, Quezon City.

Tinangayan din ng personal na gamit sina Rashied Ahmed, 28, family driver; at Cynthia Lego, 32, kasambahay.

Base sa imbestigasiyon, paalis na ng kanilang bahay ang mag-asawang Borlongan kasama si Ahmed nang bigla umano silang sinalubong ng mga suspek sa gate.

Eleksyon

Kiko Matos, sinunog mga 'ignoranteng' inokray si Atty. Kiko sa paglantak ng buro't mustasa

Nagpakilala ang mga suspek na pulis at pinakiusapan si Elmer na hanapin ang isang bagay sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Ngunit nang bumalik si Elmer sa gate, laking gulat umano nito nang makitang tinututukan na ng baril ang kanyang misis.

Nang sumigaw si Precious upang humingi ng tulong sa kapitbahay, pinalo ito ng baril sa ulo.

Matapos igapos at ikulong sa isang kuwarto ang mga biktima, nilimas na ng mga suspek ang mga mahahalaga at mamahalin nilang gamit sa bahay gaya ng cellphone, relo, singsing at iba pa.

At nang humingi na ng tulong ang mga biktima sa pulisya, positibong itinuro ng mga ito ang dalawang suspek sa “Rogue Gallery” na sina Michael Tuldac, ng Barangay Tumana, Marikina City; at Raizen Paul Barandino, ng Tondo, Manila. (Francis T. Wakefield)