Nasawi ang asawa at anak ni retired Gen. Ismael Rafanan, ng Philippine National Police (PNP), makaraang lamunin ng apoy ang malaki nilang bahay, habang nasa P10 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian sa Quezon City, kahapon ng umaga.

Base sa inisyal na ulat ni QC Fire Marshall Senior Supt. Jesus Fernandez, kinilala ang nasawi na si Marilane Rafanan, 69; at anak niyang si Star Rafanan, 27, kapwa nakatira sa nasunog na bahay sa Capitol Hills Subdivision sa Barangay Batasan.

Kapwa hindi na nakalabas sa bahay ang mag-ina na nagtamo ng third degree burn sa pagkakasunog ng kanilang bahay.

Nabatid sa Bureau of Fire Protection (BFP) na ganap na 7:52 ng umaga nang sumiklab ang apoy mula sa kisame at mabilis na kumalat sa buong bahay.

Eleksyon

VP Sara, dadalo sa miting de avance ng 'Duter10' ng PDP

Lumitaw sa imbestigasyon na sa banyo nakulong ang ginang, habang nasa sarili namang silid si Star na kapwa hindi na nakaligtas makaraang bumagsak ang kisame.

Sinabi ni Fernandez na faulty wiring sa kisame ang pinagmulan ng sunog, na dakong 8:30 ng umaga na naapula.

(JUN FABON)